Home NATIONWIDE Nitrogen gas sa pagbitay, tagumpay

Nitrogen gas sa pagbitay, tagumpay

UNITED STATES – Itinuring na tagumpay ang paggamit ng nitrogen gas bilang isang paraan sa pagsasagawa ng parusang bitay sa bansang ito, lalo na sa estado ng Alabama, ilang oras lang ang nakaraan.

Namatay makaraan ng limang minuto na paglanghap ng purong nitrogen gas ang convicted murderer na si Kenneth Eugene Smith sa bitayan sa isang bilangguan sa Alabama.

Ilang mediaman ang sumaksi sa pagbitay kay Smith mula nang suutan ito ng face mask hanggang sa padaluyan ito ng nitrogen gas na kauna-unahang paggamit nito sa pagbitay.

Nakitang ngumiti pa si Smith at nagsabing “I love you all” bago ito nalagutan ng hininga at hindi nakitaan ng anomang palatandaan ng karahasan habang dumaraan sa pinakabagong sistema ng pagbitay.

Una rito, isinalang na rin si Smith sa bitayan sa pamamagitan ng lethal injection ngunit naunsyami ito nang hindi makatagpo ang mga awtoridad ng ugat na roon ipadadaloy sana ang kemikal para sa lethal injection.

Napatunayan nagkasala si Smith sa pagpatay kay Elizabeth Sennett na asawa ni Pastor Charles Sennett 30 taon ang nakararaan.

Pinagsasaksak sa dibdib at leeg si Elizabeth ni Smith at isa pang kasama nito na si John Forrest Parker sa loob ng bahay ng biktima.

Kalaunan, napatunayang utos pala iyon ni Charles para lang makakubra ng insurance para pambayad sa malalaking utang nito.

Nagpakamatay si Charles habang iniimbestigahan ang kaso samantalang naunang nabitay si Parker noong 2010. RNT/FC

Previous articlePandaraya sa resulta ng lotto, pinabulaanan ng PCSO sa Senado
Next articlePagbaba sa lebel ng tubig sa Angat Dam, magpapatuloy sa El Niño