MANILA, Philippines – Walang naitalang nasawi sa lalawigan ng Romblon matapos yanigin ng lindol na may lakas na 4.8 magnitude ang bayan ng Odiongan noong Sabado ng umaga, ayon sa Romblon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Linggo.
Sa isang panayam, sinabi ng retiradong Colonel Roseller Muros ng Romblon PDRRMO na wala pang opisyal na ulat tungkol sa tinatayang pinsala sa Odiongan, ngunit wala rin namang naitalang nasawi o nasugatan.
Mayroon namang naitalang crack sa isang tulay sa bayan ng Ferrol, at hindi muna ito daraanan, dagdag niya.
Patuloy na sinusubaybayan ng PDRRMO ang sitwasyon sa lalawigan, lalo na sa Odiongan kung saan naitala ang epicenter ng lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang lindol na naganap noong Sabado ng umaga bandang 8:40 ay tectonic ang pinagmulan at may lalim na 4 kilometro. RNT