Home OPINION ‘No Permit, No Exam Policy Ban’ Pampapogi Lang (Part 1)

‘No Permit, No Exam Policy Ban’ Pampapogi Lang (Part 1)

NAGLABAS ng maanghang na statement ang maraming samahan ng private schools ukol sa napipintong pagpasa ng ‘No Permit, No Exam Prohibition Bill’. Anila, may mga pagtingin na tila “pampapogi”lang ang panukala. Hindi naman talaga nito kasi tinutulungan ang mga mag-aaral.

Una, alam ng lahat na hindi naman libre ang tuition sa pribadong paaralan. Pinag-aaral ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pribadong eskwelahan dahil sa tiwala na ang mas magandang pundasyon ng kaalaman at kasanayan ay magagamit upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Ang totoo, kapag tuluyang naging batas ang No Permit, No Exam Prohibition Bill, ipagpapaliban lang ang bayad sa tuition pero utang pa rin ito. Sa huli’y mababaon lamang sila sa maraming utang.

Dapat bang matuwa ang mga estudyante na nakapag-e-exam sila pero hindi naman nila makukuha ang kanilang card at credentials hangga’t hindi nababayaran ang kanilang utang?

Pangalawa, hindi ba naiisip ng ating mga mambabatas ang magiging kalagayan ng ating educational system kapag napilitang magsara ang private schools?

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Association of Colleges and Universities, mauubusan ng pondo ang private schools sa loob lang ng dalawang buwan sakaling ipatupad ang panukala dahil tiyak na marami ang ipagpapaliban ang pagbabayad ng matrikula.

Hindi naman pwedeng ipagpaliban din ng mga pampribadong paaralan ang kanilang mga obligasyon sa mga teacher, staff, landlord, water concessionaire, electric company, at iba pa dahil hindi sila nakasingil ng tuition fees.

Saan na pupulutin ang libo-libong guro at staff na mawawalan ng trabaho? Saan pupulutin ang libo-libong estudyante na mawawalan ng paaralan? Kaya bang saluhin ng ating public schools ang lahat ng ito? Tutulungan ba ng mga mambabatas ang mga empleyado ng eskwelahang napilitan magbawas o tuluyang magsara dahil naubusan na ng pondo upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon? (May Karugtong)

Previous articleNAKAGUGULAT NA DATA BREACHES
Next article2 pastor arestado sa pagpapatay sa Mr. Cagayan de Oro contestant