Hindi naman pwedeng ipagpaliban din ng mga pampribadong paaralan ang kanilang mga obligasyon sa mga teacher, staff, landlord, water concessionaire, electric company, at iba pa dahil hindi sila nakasingil ng tuition fees. Saan na pupulutin ang libo-libong guro at staff na mawawalan ng trabaho?
Saan pupulutin ang libo-libong estudyante na mawawalan ng paaralan? Kaya bang saluhin ng ating public schools ang lahat ng ito? Tutulungan ba ng mga mambabatas ang mga empleyado ng eskwelahang napilitan magbawas o tuluyang magsara dahil naubusan na ng pondo upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon?
Hindi ba sapat na mayroon namang installment plan at alternative payment scheme ang mga private schools para sa kanilang mga estudyante? Matagal nang ginagawa ang sistemang ito.
Kung sakaling maipasa ang No Permit, No Exam Prohibition Bill, hindi natin masisisi ang mga private schools na tanggalin na rin ang mga ganitong nakatutulong na sistema. Kung gusto talagang matulungan ng mga mambabatas ang mga mag-aaral ay magpasa na lamang sila ng panukala na magbibigay ng libreng pag-aaral sa mga deserving students.
Hiling lang naman ng mga private schools na makonsulta sila at iba pang stakeholders upang marinig ang kanilang saloobin dito at makapagbigay ng suhestiyon upang maituwid at maging maganda ang epekto sa buong sektor ng private schools at lalo ng sa kanilang mga estudyante.
Hindi sana minamadali ang konsultasyon sa mga private schools at bigyan sila ng sapat na pagkakataon na marinig ang kanilang panig. Magtulungan upang makita ang tunay na problema ng ating sistemang pang-edukasyon at sama-sama nating pagtulungan ang mga solusyon.
Isa rito ay ang pagpapalawak pa ng voucher system kung saan makapag-aaral ang mga estudyante mula sa mga siksikan na public schools tungo sa mga private schools na mas maluwag at mas maganda pa ang pasilidad. Tiyak na marami ang matututuwa sa ganitong pagkakataon. Sana’y matauhan ang ating mga mambabatas.