Home METRO ‘No permit, no rally’ sa Maynila kasado sa anibersaryo ng EDSA People...

‘No permit, no rally’ sa Maynila kasado sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution

MANILA, Philippines- Ipatutupad ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang “No permit, No rally” sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.

Ayon sa alkalde, ang People’s Park o Freedom Park sa tabi ng Liwasang Bonifacio sa Ermita, Manila ay kabilang sa mga lugar na nangangailangan ng permit mula sa mga nagpoprotesta bago magsagawa ng caravan.

Giit ni Mayor Honey, kung walang maipakitang permit ang mga magpoprotesta ay hindi sila maaaring magsagawa ng anumang kaganapan sa kung saan nila naisin na lugar sa lungsod.

Sinabi pa ng alkalde na ipatutupad din ng ibang lokal na pamahalaan ang parehong patakaran sa kanilang mga lungsod.

Tiniyak naman ni Mayor Honey sa mga Manilenyo na magiging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng EDSA Day.

Sa ngayon aniya ay wala pa silang natatanggap na anumang kahilingan na magsagawa ng anumang kilos-protesta sa kabisera ng lungsod.

Ang EDSA Day ay isang paggunita sa serye ng mga demonstrasyong ginanap mula Pebrero 22 hanggang 25, 1986, na humantong sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. JAY Reyes

Previous article‘Tulak’ tiklo sa P3.4M shabu  
Next articleAmo tinangkang sagipin ang aso, sapul ng tren!