Ramdam na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto na ginagamit sa Noche Buena bagamat wala pang price guide na inilalabas ang Department of Trade and Industry (DTI).
Sa ulat ng ABS-CBN news, batay sa nakaraang presyo ng pang Noche Buena noong nakaraang holiday season tumaas nang P5 Hanggang P6 ang kada pakete ng ilang klase ng hamon habang P120 ang itinaas ng isang brand ng chicken ham.
Ang taas-presyo kada pakete naman ng ilang brand ng elbow macaroni ay naglalaro sa P1.70 hanggang P7.25 habang P2 hanggang P4 ang kada lata ng ilang fruit cocktail.
Kabilang din sa napansin na may pagtaas sa presyo ang ilang klase ng spaghetti ng P5 kada pakete.
Hanggang P6 naman ang itinaas sa presyo ng tomato sauce.
May ilang brand naman ng cheese ,sandwich spread at mayonnaise ang bahagyang bumaba ang presyo.
Inaasahan namang tataas pa ang presyo ng mga produktong pang-Noche Buena habang appalapit ang Pasko.
Kasunod ito ng anunsyo ng ilang manufacturer na nag-abiso ng dagdag presyo ngayong Nobyembre .
Asahan din na ang mga produkto na gawa sa baboy tulad ng ham ay tataas din bukod sa nagmahal na rin ang mga sangkap nito tulad ng asukal at mga spices na ginagamit .(Jocelyn Tabangcura-Domenden)