Home NATIONWIDE NoKor naglunsad ng ‘intermediate-range ballistic missile’ – SoKor

NoKor naglunsad ng ‘intermediate-range ballistic missile’ – SoKor

SEOUL, South Korea- Naglunsad ang North Korea ng hinihinalang intermediate-range ballistic missile sa dagat nitong Linggo, ayon sa militar ng South Korea, dalawang buwan matapos ihayag ng North Korea na sinubukan nito ang mga engines para sa bagong “harder-to-detect” missile na kayang tamaan ang malayong U.S. targets sa rehiyon.

Ayon sa mga eksperto, maaaring paigtingin ng North Korea ang missile tests nito bilang paraan ng pag-impluwensya sa resulta ng parliamentary elections ng South Korea sa Abril at ng U.S. presidential election sa Nobyembre.

Inihayag ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea na natukoy nito ang paglunsad ng ballistic missile ng intermediate-range class mula sa capital region ng North Korea nitong Linggo ng hapon. Lumipad umano ang missile patungo sa eastern waters ng Norte.

Inaanalisa ng South Korea, U.S. at Japan ang detalye nito habang patuloy ang kahandaan ng militar ng South Korea, ayon sa pahayag.

Sinabi rin ng Defense Ministry ng Japan na namataan nito ang posibleng ballistic missile ng Norte. Ayon sa Japanese coast guard, base sa Defense Ministry, pinaniniwalaang bumagsak ang hinihinalang missile sa karagatan.

Nitong mga nakalipas na araw, pinaiigting ng North Korea ang aksyon nito laban sa mga itinuturing nitong kalaban. Sa pagbisita ni Leader Kim Jong Un nitong nakaraang linggo sa munitions factories, tinawag niya ang South Korea na “our principal enemy” at nagbabalang lalaban ito sakaling kantiin, base sa state media ng Norte nitong Miyerkules. RNT/SA

Previous articleAra, di bet maka-kissing scene si Jomari!
Next articleIkalawang oil price hike ngayong 2024 aarangkada sa Martes