NORTH KOREA – Sinabi ng North Korea na matagumpay nilang napalipad ang kauna-unahang spy satellite sa orbit nitong Martes, Nobyembre 21.
Kasabay nito, nangako ang North korea na maglulunsad pa ng mas maraming spy satellite, na tahasang sumusuway sa pagkondena ng Estados Unidos at mga ka-alyado nito.
Nauna nang iniulat ng SOuth Korea at Japan ang paglulunsad ngunit hindi agad naberipika kung satellite ba ang pinalipad sa orbit.
Sinabi ni Pentagon spokesperson Sabrina Singh na inaalam pa ng US military kung naging matagumpay ito o hindi.
Sumagot naman ang South Korea sa anunsyo ng North Korea, sa pagsasabing gagawin nito ang hakbang para masuspinde ang ilang bahagi ng 2018 inter-Korean agreement na idinisenyo para mabawasan ang military tensions sa rehiyon.
Sa ulat ng KCNA state news agency ng North Korea, inilunsad ang Malligyong-1 satellite sa pamamagitan ng Chollima-1 rocket mula sa Sohae satellite launch facility bandang 10:42 ng gabi at pumasok sa orbit 10:54 ng gabi.
Personal na sinaksihan ni Kim Jong Un ang paglulunsad ng spy satellite, isang linggo lamang bago ang plano ng South Korea na magpadala rin ng spy satellite sa pamamagitan ng Falcon 9 rocket na pinatatakbo ng US company na Space X.
“The launch of reconnaissance satellite is a legitimate right of (North Korea) for strengthening its self-defensive capabilities,” anang KCNA. RNT/JGC