Home HOME BANNER STORY Non-consolidated jeepneys pwede pa ring bumyahe sa ilang ruta ‘gang Enero 31,...

Non-consolidated jeepneys pwede pa ring bumyahe sa ilang ruta ‘gang Enero 31, 2024

MANILA, Philippines – Maaari pa ring bumiyahe sa ilang ruta ang traditional jeepneys na bigong makapag-consolidate ng kanilang prangkisa ngayong buwan.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), bibigyan ang mga ito ng hanggang Enero 31, 2024.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na ang mga traditional jeepney ay mawawalan ng kanilang permit to operate kung bigo silang makapag-consolidate sa ilalim ng kooperatiba o korporasyon pagsapit ng Disyembre 31, 2023 bilang bahagi ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

Ngunit, sa kanilang pinakabagong memorandum, sinabi ng LTFRB na papayagan pa ring bumiyahe sa ilang ruta ang non-consolidated individual operators. Ang mga rutang ito ay ang mayroong mas mababa sa 60% ng jeepneys na na-consolidate na.

Ang LTFRB board ang tutukoy sa mga rutang ito.

Samantala, sa nasabing panahon, maglalabas ang LTFRB ng show cause order sa non-consolidated drivers at operators.

Ang bigong tutugon sa December 31 deadline “shall no longer be allowed to organize into a juridical entity or join existing consolidated TSEs (transport service entities).”

Nagbabala ang transport groups na posibleng magkaroon ng transport crisis kung libo-libong traditional jeepneys ang mapipilitang hindi makabiyahe sa bigong pag-consolidate.

Hinaing ng mga jeepney driver at operator, ang “modern jeepneys” ay masyadong mahal at magdudulot ng paghihirap sa mga simpleng unit operators ng route franchises.

Ang pag-upgrade sa kasalukuyan nilang mga jeepney ay mas mainam na paraan at mas murang paraan para magawang fuel efficient at environment friendly ang kanilang mga sasakyan. RNT/JGC

Previous articleSMNI nagpasaklolo sa Court of Appeals
Next articleBatas na nagpapalawak sa kapasidad ng 7 HEIs, tinintahan ni PBBM