Dapat papanagutin ng pamahalaan ang Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) sa kalamidad na hatid nito sa mga taga-Island Garden City ng Samal bunga ng kapabayaan na nagsadlak sa buhay ng mga residente sa kadiliman dulot ng hindi masolusyunang brownout, ayon kay Senador Idol Raffy Tulfo.
“Sunod -sunod na energy crisis na ang nararanasan sa ating bansa. Matapos sa Occidental Mindoro at Panay Island, ngayon naman sa Samal Island!” ayon kay Tulfo.
Ayon pa kay Tulfo, sa darating na hearing sa Committee on Energy sa Miyerkules, May 24, 2023, tatalakayin ang usapin hinggil sa energy crisis sa Samal Island at pananagutin ang may kapabayaan at mahanapan ng pangmatagalang solusyon.
“Pero sa lumilitaw ngayon, ang NORDECO umano ang ugat ng kapalpakan dahil sa sintanda na ng kanilang mga ninuno ang naghihikahos na submarine cable doon na hindi pa napapalitan,” dagdag pa ng senador.
Base sa report na nakarating sa naturang senador, mula pa noong nakaraang taon, araw-araw na tinitiis ng mga residente ng Samal ang umano’y pito hanggang walong oras na brownout kapag peak load at dalawa hanggang tatlong oras namam kapag off peak.
Ang Nordeco, na dating kilala na Davao del Norte Electric Cooperative, Inc. (Daneco), ay umaani ng batikos sa mga consumers nito dahil sa kapalpakan nito sa serbisyo sa koryente.
Malinaw umano na bigo ang NORDECO na makapaghanda sa mataas na demand sa koryente sa paglago ng industriya ng turismo sa naturang lugar.
Sa ngayon, tumaas ng mula 3 megawatts (MW) hanggang 9MW ang kaylangang punuan ng NORDECO dahil sa pagdami ng mga negosyo at establisimento tulad ng mga resorts, restaurants at iba pang pamilihan.
Ang Samal Island ay konektado sa Pantukan Grid sa pamamagitan ng isang kilometrong antigong
submarine cable na pag-aari ng NORDECO, subalit magmula pa ng 1980s ay hindi na ito na-upgrade pa ng naturang kumpanya.
Malinaw na hindi na kayang serbisyuhan ng buo ng 43 taong gulang na submarine cable ang Samal Island base sa mga brownout na nararanasan sa kasalukuyan.
Advertisement