Home NATIONWIDE Northern at Central Luzon uulanin sa Amihan

Northern at Central Luzon uulanin sa Amihan

MANILA, Philippines – Makaaapekto ang Northeast Monsoon (Amihan) sa Northern at Central Luzon habang ang easterlies ay magdadala ng maulap na papawirin at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Disyembre 29, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa 24-hour public weather forecast, sinabi ng PAGASA na ang Batanes at Babuyan Islands ay makararanas ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa Amihan.

Binalaan naman ang mga residente laban sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang mga pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon dahil din sa Amihan.

Ang Visayas, Mindanao, MIMAROPA, at Bicol Region, sa kabilang banda, ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog na dala ng easterlies. Ang matinding pagkulog ay maaaring magdulot ng posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.

Sinabi ng PAGASA na ang Luzon at ang silangang bahagi ng Visayas ay magkakaroon ng katamtaman hanggang sa maalon na tubig sa baybayin habang ito ay magiging bahagya hanggang sa katamtaman para sa natitirang bahagi ng bansa.

Sumikat ang araw bandang 6:20 a.m. habang ang lulubog ito mamayang 5:36 p.m. RNT

Previous articlePAGHAHANDA VS  EL NIÑO, NASAAN?
Next articleP43M lotto jackpot prize nasolo bago mag-Bagong Taon