Home NATIONWIDE Northrail Corp. binuwag ni PBBM

Northrail Corp. binuwag ni PBBM

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbuwag sa North Luzon Railways Corp. (Northrail).

Ito ay sa ilalim ng Memorandum Order No. 17, na inisyu nitong Oktubre 19 at pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa kapangyarihan ng Pangulo.

Saad sa memorandum na tinukoy ng Governance Commission for Government-owned and -controlled Corporations (GCG) na ang Northrail Corp. ay “not producing desired outcomes,” “no longer achieving the objectives and purpose for which it was designed and created,” at “is not cost efficient and does not generate the level of social, physical and economic returns vis-a-vis the resource inputs.”

Nakarehistro ang Northrail Corp. sa Securities and Exchange Commission noong 1995, at nilikha bilang wholly owned subsidiary ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang bumuo, mag-operate at mamahala sa railroad system na nagsisilbi sa Metro Manila, Central Luzon at Northern Luzon.

Ang state-owned firm ay nilikha upang ipatupad ang Northrail project, isang railroad na nagdurugtong sa Caloocan City patungong Malolos, Bulacan.

Sa kabila nito, ang proyekto ay pumalya kasunod ng pagtatapos ng kontrata at humarap din sa iba’t ibang isyu katulad ng paglalabas ng kaukulang pondo.

Inaprubahan ng National Economic and Development Authority Board ang North-South Commuter Railway Project noong 2015 at pinondohan sa pamamagitan ng official development assistance mula sa Japan.

Sa pag-uutos ng pagbuwag sa Northrail Corp., ipinag-utos ni Marcos sa BCDA bilang administrator at liquidator nito, na ayusin ang lahat ng liabilities kabilang ang pagbabayad sa separation incentive pay ng mga apektadong opisyal at tauhan.

Sa kabilang banda, ang GCG ay inaatasan naman na imonitor ang pagbuwag sa Northrail habang ang Department of Transportation, bilang supervising agency, ay patuloy na mangangasiwa sa mga programa at aktibidad na may kaugnayan sa liquidation at proseso ng pagsasara rito. RNT/JGC

Previous articleBangkay ng pinatay na Filipina caregiver sa Jordan, dumating na sa bansa
Next articleKyla, umaming apat na beses nakunan!