DAVAO CITY- DUGUAN bumulagta ang isang pinaniniwalaan notoryus na kawatan matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang operasyon, kaninang umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ng namatay na suspek na si Francis Miguel Conjorado alyas ‘Migi’ 21, residente sa Prk.7, Barangay 31-D ng nasabing lungsod.
Batay sa report ng Davao-PNP, bandang 7:00 AM naganap ang engkwentro sa Prk. 8B Brgy. 31-D , Quezon Blvd. Davao City.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report mula sa mga residente hinggil sa kahina-hinalang ikinikilos ng suspek at inilarawan na may dala itong sling bag.
Mabilis naman naglatag ng operasyon ang Davao-PNP laban sa suspek at pagdating sa lugar agad nilang napansin ang suspek na akma sa mga inilarawan ng mga residente.
Agad naman nilapitan ng operatiba ang suspek subalit pinaputukan sila ng baril at mabilis na tumakbo si Conjorado.
Nauwi sa habulan ang operasyon at natamaan ng mga pulis ang suspek sa katawan na agad naman isinugod sa ospital subalit idineklara na rin itong patay ng doktor.
Nakuha sa suspek ang .38 revolver, 2 live ammunition, 4 na pakete ng hinihinalang shabu na may street value na P40,000 at 3 basyo mula sa .9mm pistol.
Sinabi ng pulisya, na ang suspek ang responsable sa mga nagaganap na nakawan at pagbebenta ng iligal na droga sa kanilang area of responsibilities./Mary Anne Sapico