SURIGAO DEL SUR- PATAY ang isang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang tropa ng pamahalaan noong Lunes sa bulubunduking bahagi ng Tandag City.
Kinilala ang nasawi na isang Dexter Maca alyas Jeric, kasapi ng Platoon 1 Guerilla Front 30, North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) .
Batay sa report, nagsasagawa ng operasyon ang grupo ng 2nd Scout Ranger Battalion sa ilalim ng 901st Infantry Brigade ng nakasagupa ang grupo ng CTG sa Bgry. Maticdum, Tandag City, Surigao del Sur.
Samantala, binatikos naman ng mga tribung Manobo sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) dahil sa pagkamatay ni Dexter.
Sa pahayag ni Datu Rico Maca, pinuno ng Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) ng San Miguel, naloko at naligaw ng landas ng CCP-NPA si Dexter at kanilang itong napaniwala na sumali sa kanilang grupo.
Aniya, bago ang insidente nagawa pa niyang makausap si Dexter sa pamamagitan ng telepono noong nakaraan taon at kinumbinsi na sumuko na ito subalit iginiit sa kanya ni Dexter na nasa falcata tree planting ito at pupunta sa Davao City upang makasama ang kanyang asawa.
“Bilang IPMR ng San Miguel at pinuno ng angkan ng Maca mula sa tribong Manobo, nananawagan ako sa mga natitirang tribo sa loob ng NPA na sumuko at umuwi sa kani-kanilang,” ani Datu Rico.
Hinimok rin ni Datu Rico si Nico Maca Mahinay, ang kumander ng NPA Guerrilla Front 30 sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee, na sumuko at makinabang sa mga programa at serbisyo ng gobyerno./Mary Anne Sapico