CAMP Marcelo Adduru, Tuguegarao City, Cagayan – Naaresto ang isang pinuno ng New People’s Army na wanted sa murder sa Barangay Villa Pascua, Diffun, Quirino nitong Sabado.
Kinilala ang suspek na si Ramon Luis, alyas “Mon,” 66.
Nahuli si Luis base sa warrant of arrest for multiple murder na inilabas ni Executive Judge Bonifacio T. Ong ng Regional Trial Court Branch 24, 2nd Judicial Region, Echague, Isabela.
Ang suspek ay itinalaga bilang kalihim ng Sangay ng Pratido sa Platun-Gani, Central Front, Komiteng Rehiyon-Hilagang Silangang Luzon noong 2002.
Naging training officer siya noong 2017 at itinalagang agrarian revolution officer ng Komiteng Probinsiya-Isabela, Komiteng Rehiyon Cagayan Valley mula 2020 hanggang 2022.
Sumasailalim si Luis sa custodial debriefing sa Diffun police station.
Pinuri naman ni Cagayan Valley police chief Police Brig. Gen. Percival Rumbaoa ang operating units para sa pagkakaaresto kay Luis. RNT/SA