Home METRO NPA leader nalambat sa Bicol

NPA leader nalambat sa Bicol

LUCENA CITY, Quezon- Nadakip ng mga pulis ang isang ranking New People’s Army leader sa Bicol region nitong Martes, sa Polangui, Albay.

Kinilala ni Philippine National Police-Area Police Command for South Luzon chief Lt. Gen. Rhoderick Armamento ang pinuno ng NPA na si Reynaldo Togado Hugo, 61.

Naharang si Hugo, sakay ng puting Toyota Avanza na may plakang VFK-563, sa isang checkpoint.

Natukoy ang kanyang pagkakakilanlan at sinilbihan ng warrant of arrest subalit pinatakbo ng mabilis ang kanyang sasakyan hanggang makorner siya sa Barangay Balangibang. Nadiskubre ng mga pulis mula sa kanyang sasakyan ang mga baril, bala, at granada.

Nahuli rin ang tatlo niyang kasamahan na kinilalang sina Bryan Llovit, 42; Jeane Recuenco, 42, at Vanessa Avila.

Ani Armamento, si Hugo at kanyang mga kasamahan ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Polangui police para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Hawak naman ng Criminal Investigation Detection Group-Albay Provincial Field Unit ang mga ebidensya.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang comprehensive law on firearms and ammunition.

Si Hugo ang commanding officer ng Regional Operational Command, Bicol Regional Party Committee (BRPC), at miyembro ng Executive Committee National Operational Command ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Mayroong nakabinbing warrants of arrest laban sa kanya para sa mga kasong murder at direct assault with frustrated murder. RNT/SA

Previous articlePresidente ng Vietnam bumaba sa pwesto
Next articleBilang ng mga nalulunod tuwing summer sumisirit