
ABRA-Patay ang isang New People’s Army o NPA matapos makipagbarilan sa tropa ng 24th Infantry Battalion ng Philippine Army na miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla North Abra (KLG North Abra) sa Sitio Lamunan, Barangay Gacab, Malibcong, Abra.
Una rito, nagsasagawa ng security operation ang kasundaluhan nang makasalubong nila ang hindi pa mabatid na bilang ng mga komunistang grupo.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang iba’t ibang war at personal materials na kinabibilangan ng isang M14 rifle, isang M4A1 Carbine rifle, apat na magazine, 42 piraso ng bala ng carbine rifle, 16 piraso ng bala ng M14, isang bandoleer, isang backpack, subersibong dokumento, iba’t ibang medical supplies, gamot, cooking materials at iba pang personal na bagay.
Nabatid na ang ilang miyembro ng CTG ay tubong Mindanao kung saan sinasabing bahagi ito ng plano ng Ilocos Cordillera Regional Committee na pinamumunuan ni Alyas Awry, na taga Mindanao, na palakasin ang nanghihinang Komiteng Larangang Guerilla North Abra.