Home HOME BANNER STORY NPA tinawag na traydor ni VP Sara sa nasawing sundalo sa Batangas

NPA tinawag na traydor ni VP Sara sa nasawing sundalo sa Batangas

MANILA, Philippines – TINAWAG na traydor ni Vice President Sara Duterte ang New People’s Army (NPA) sa nangyari kay Sgt. Jernell Ramillano, namatay sa isang bakbakan nitong Linggo sa Balayan, Batangas.

Sa isang video message, Huwebes ng gabi, Disyembre 21, nagpaabot ng kanyang pakikiramay si VP Sara sa pamilya ni Ramillano at kinastigo ang NPA.

Ang NPA ay armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP), at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

“Taos puso nating kinikilala at binibigyan ng parangal ang katapangan, kabayanihan, at paglilingkod ni (We wholeheartedly recognize and give honor to the courage, heroism, and service of) Sgt. Jernell Ramillano,” ayon Kay VP Sara.

Si Ramillano, ayon sa Facebook post ng Civil Relations Service ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay namatay nang makasugapa ng mga pwersa ng 59th Infantry “Protector” Battalion, Philippine Navy, at Philippine Air Force ang hinihinalang tropa ng NPA nang magsagawa ng mga combat operation sa Barangay Malalay ang tropa ng gobyerno nong Disyembre 17, 2023.

“Si Sgt. Ramillano ay isa lamang sa mga biktima ng karumal dumal na gawain ng mga teroristang CPP, NPA, at NDFP. Kabilang ang kanyang pamilya sa mga libu-libong pamilyang nawalan ng mahal sa buhay,” ayon kay VP Sara.

Sinabi ni VP Sara na marami pang tulad ni Ramillano ang ibubuwis ang kanilang buhay habang nandiyan ang presensiya ng CPP, NPA, at NDFP.

“Maraming kabataan din ang hindi makakapagtapos ng pag-aaral kung hahayaan natin silang mabiktima ng mga grupong ito upang gawing armadong terorista,” ayon kay VP Sara.

“Mga kababayan, gusto kong malaman ninyo na ang tanging layunin ng CPP, NPA, at NDFP ay sirain ang pundasyon ng ating demokrasya, pabagsakin ang mga institusyon ng pamahalaan, at kaladkarin tayo sa kahirapan, kaguluhan, at kawalan ng hustisya,” aniya pa rin, co-vice chair ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si Defense Secretary Gilbert Teodoro sa naulilang pamilya ng napatay na sundalo. Kris Jose

Previous articleDrayber kinatay ng kainuman na senglot
Next article2 kelot na nasita sa helmet, isinelda sa boga sa Malabon