Home NATIONWIDE NPC nabahala sa paninikil sa press freedom ng SMNI

NPC nabahala sa paninikil sa press freedom ng SMNI

Manila, Philippines- Ikinabahala ng National Press Club of the Philippines ang hakbang ng ilang mambabatas laban sa Swara Sug Media Corp. na nag-ooperate ng Sonshine Media Network International (SMNI) na umano’y isang anyo ng paninikil sa kalayaan sa pamamahayag.

Ayon kay NPC President Lydia Bueno, hindi katanggap-tanggap ang paghahain ng resolusyon ng House committee on legislative franchises na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na nag-aatas sa National Telecommunications Commission na tanggalan ng prangkisa ang SMNI dahil lang sa paglalabas nito ng impormasyon na bahagi ng karapatan nitong makapaghayag ng katotohanan.

Dagdag pa ni Bueno, pangulo ng pinakamalaki at pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa bansa, kapag kinansela ang prangkisa ng SMNI sa anomang dahilan na kaduda-duda, lalo na ang paggamit ng kapangyarihang pampulitika, palatandaan ito ng malinaw na pagsikil sa kalayaang pamahahayag.

Kinikilala ngayon ang SMNI na isang independiyenteng pwersa sa malayang pamamahayag sa gitna ng mga kontrobersya sa pamahalaan, lalo na ang mga korapsyon, paglustay ng kaban ng bayan at pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang matataas ng opisyal ng pamahalaan.

Diin ni Bueno, mahigipit na tungkulin ng mga mamamahayag ang maglabas ng mga balita ukol sa korapsyon, paglustay ng kaban ng bayan at pagmamalabis sa tungkulin ng mga nakaupo sa pwesto, halal man o itinalaga at matapos nito, tungkulin naman ng pamahalaan ang mag-imbestiga sa katotohanan ng mga balita at gumawa ng mga nararapat na katugunan.

Kaugnay nito, bagama’t pupwede lamang ilabas ang pinagmulan o source ng balita sa kautusan ng hukuman o iba pang tribunal na may kapangyarihang katulad ng korte, hindi mapipilit ang tagapagbalita na ilabas ang pinagmulan ng kanyang balita lalo na kung ikapapanganib ito sa buhay, kalayaan at ari-arian ng source ng impormasyon.

Nanawagan na rin ang NPC sa lahat ng mediaman na kumilos sa anomang paraan para ipagtanggol ang kalayaan sa pamamamahag sa harap ng banta ng paninikil dito gaya ng nagaganap sa SMNI. RNT

Previous articleSec. Diokno dedma sa ulat na papalitan sa pwesto
Next articleDagdag-singil sa toll sa NLEX Connector itinutulak