MANILA, Philippines – UPANG epektibong maipatupad ang solid waste management system sa bansa ay inaprubahan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) na pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 10-year solid waste management plans (SWMPs) ng 54 lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Nabatid na sa kasalukuyan, umabot na sa 1,263 ang naaprubahan na ang SWMP o 79 percent mula sa kabuuang 1,592 local government units (LGU) na kinakailangang magsumite at ipatupad ang kanilang plano bilang pagsunod sa Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa press release noong Abril 25, 2023 sa ginanap na en banc meeting na pinangunahan ni DENR Secretary Antonia Loyzaga, nang aprubahan ang SWMPs ng 54 LGUs.
Siyam sa mga ito ang nagmula sa Northern Samar, gayundin sa Negros Occidental; tatlo sa Iloilo, Cotabato, at Camarines Sur; dalawa sa Ilocos Sur, Masbate, Negros Oriental, Misamis Oriental, Catanduanes, Albay, Batanes, at Cebu; at isa ang nagmula sa mga lugar ng Pangasinan, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Sorsogon, Antique, Bohol, Zamboanga del Sur, Quezon, Camarines Norte, at Lanao del Norte.
Kaugnay nito sa ginanap na pulong, binigyang-diin ni Loyzaga ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng NSWMC at ng stakeholders nito para sa epektibong solid waste management system sa bansa.
“If we are not able to manage solid waste in the environment, we will not be able to deliver the kind of ecosystem services and ecosystem integrity we want to have to support succeeding generations,” saad ni Loyzaga.
Advertisement