MANILA, Philippines- Sa kabila ng umiiral na transport strike, idineklara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpapatuloy ang number coding scheme ngayong Martes.
Sa abiso nitong Lunes, sinabi ng MMDA na ipatutupad ang number coding scheme mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
“Under the scheme, vehicles are not allowed to travel on the main streets of Metro Manila based on the last digit of the license plates during the said coding hours,” anang MMDA.
Exempted sa coding ang public vehicles, transport network vehicles services (TNVS), mga motorsiklo, garbage trucks, marked government vehicles, fuel tankers, marked media vehicles, fire trucks, ambulansya, at mga sasakyang may kargang perishables o essential goods.
Ipinagpatuloy ng MMDA ang number coding scheme matapos itong suspendihin nitong Lunes dahil sa three-day transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide upang tutulan ang December 31 deadline para sa konsolidasyon ng traditional public utility jeepneys.
Subalit, ayon sa MMDA, hindi naparalisa ng strike ang transportation system sa Metro Manila.
Binanggit din ni MMDA acting chair Don Artes na bagama’t nakatulong ang pagsuspinde ng number coding scheme sa Metro Manila sa inaasahang epekto ng transport strike, nagresulta umano ito sa mas mabigat na daloy ng trapiko. RNT/SA