Home NATIONWIDE Nurses group tutol sa pagtanggap ng clinical care associates

Nurses group tutol sa pagtanggap ng clinical care associates

MANILA, Philippines- Iginiit ng Philippine Nurses Association, Inc. (PNA) nitong Huwebes ang mariin nitong pagtutol sa pagtanggap ng clinical care associates (CCAs) sa health facilities.

Ito ay sa pagbibigay-diin ng PNA na ang CCAs ay “underboards,” na nangangahulugang hindi pa sila nakapasa sa licensure examination kaya hindi pa “eligible” na magtrabaho sa healthcare institutions. 

“Marahas namin itong tinututulan mula pa noong una siyang mabanggit last year. Hindi kami naga-agree na magkaron tayo ng ganyan na pathway sa Pilipinas sapagkat wala pa tayong legislation talaga to support this kind of practice environment for the underboards to actually work in the clinical setting already,” pahayag ni PNA national president Dr. Elmer Bondoc sa isang panayam.

Inihayag ito ng PNA matapos ianunsyo ng Private Sector Advisory Council (PSAC) na halos 300 CCAs ang tinanggap sa mga ospital kaugnay ng layunin ng Marcos administration na tugunan ang kakulungan ng mga nurse sa bansa.

Ani Bondoc, sa halip ay dapat tutukan ng pamahalaan ang paghikayat sa mga lisensyadong nurse na i-practice ang kanilang propesyon.

Base kay Bondoc, kahit na libo-libong nurse ang nakapasa sa nakalipas na tatlong licensure examinations noong November 2022, May 2023, at November 2023, karamihan sa kanila ay pinipiling magtrabaho bilang call center agents at virtual assistants dahil sa mas mataas na sahod at mas mainam na working environment.

“Ang programa about sa CCA kasi, hindi nito binibigyan ng solusyon ang current problem ng nurses sa Pilipinas. Kahit marami tayong mga lisensyadong mga nurses, kulang ang mga nurses na nagtatrabaho sa primary healthcare facilities sapagkat wala tayong attractive power na binibigay sa kanila para bumalik sa propesyon at walang retentive capacity kasi hindi binibigay ang nararapat sa mga nurses,” dagdag niya.

Noong July 2023, nagtulungan ang Department of Health (DOH) at ang Commission on Higher Education (CHED) upang bigyang-daan ang pagpasok ng CCAs sa healthcare system at nursing review program na isasagawa ng piling higher education institutions. RNT/SA

Previous article5K makikilahok sa 1st ‘combined arms drill’ ng PH Army
Next articleWillie, ginawang show ang prayer rally sa Cebu!