MANILA, Philippines- Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa major water reservoirs ng bansa, kabilang ang Angat Dam, sa kabilang ng patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa National Water Resources Board (NWRB) nitong Miyerkules.
“Base sa mga datos natin nang mga nakaraang araw, patuloy na bumababa ‘yung major dams natin, partikular na itong Angat Dam. Itong mga pag-ulan na nararanasan natin na epekto ng Habagat, sa ngayon, ayon sa pagmo-monitor natin, ay di pa nakakaabot sa watersheds,” pahayag ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. sa isang public briefing.
Ang reservoir water level (RWL) sa Angat Dam ay kasalukuyang 181.22 meters—mas mataas lamang nang bahagya sa minimum operating water level nito na 180 meters.
Kapag bumaba ito sa 180 meters, ayon kay David, babawasan ang alokasyon para sa irrigation at power systems sa Luzon dahil prayoridad ng NWRB ang pag-supply ng tubig sa Metro Manila.
“Masasabi natin na bumaba pero di pa natin masasabi na effect ng El Niño. Sabi nga ng PAGASA, ang posibleng epekto ng El Niño ay nararamdaman natin bago magtapos ang taon hanggang sa susunod na taon,” dagdag niya.
Idineklara na ng state weather bureau PAGASA nitong Martes ang pagsisimula ng El Niño phenomenon. RNT/SA