Home NATIONWIDE Oath taking ceremony sa 3,812 pumasa sa 2023 Bar exam isinagawa

Oath taking ceremony sa 3,812 pumasa sa 2023 Bar exam isinagawa

MANILA, Philippines – Isinagawa na ang oath taking ceremony para sa 3,812 na pumasa sa 2022 Bar examinations.

Ang oath taking ay isinagawa sa SMX Convention Center sa Pasay at dinaluhan ng lahat ng mahistrado ng Korte Suprema kabilang sina Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo at 2023 Bar exam chair Associate Justice Alfredo Ramon Paul Hernando.

Ito ang kauna-unahang Bar Oathtaking ceremony na isinabay sa isang araw ang signing of roles at pagtangap ng certificate of admission to the Bar.

Sa kaniyang talumpati, pinuri ni Hernando ang mga bar passers sa kanilang katatagan sa kanilang naging biyahe upang matagumpay na makapasa sa Bar.

Pinayuhan ni Hernando ang mga bagong abugado na maging matatag sa paghawak ng mga kaso.

Ang pagpasa aniya sa Bar exams ay simula pa lamang ng kanilang paglalakbay bilang mga abogado.

Samantala, sa talumpati naman ni 2024 Bar Chairperson SC Associate Justice Mario Lopez, dapat isipin palagi ng mga bagong abugado ang kanilang tungkulin na maging pangunahing hanay, protektor at tagapangasiwa ng katarungan.

Ipinaalala ng mahistrado ang malaking responsibilidad ng isang abugado.

Aniya sa kanilang propesyon ay walang puwang ang magkamali.

Hinikayat rin ni Lopez ang mga bagong abugado na huwag matakot sa mga makabagong teknolohiya gaya ng nauuso ngayon na artificial intelligence (AI).

Binigyan diin ng mahistrado na ang kanilang propesyon na pinasok ay hindi upang kumita ng malaking salapi dahil ang pagsingil ng malaki sa mga kliyente lalo na sa mahihirap, ay pagkait na rin sa kanila ng hustisya. Teresa Tavares

Previous article92% ng mga Pinoy ‘hopeful’ sa 2024 – survey
Next articleMangingisda, tindero ng isda, 2 pa nalambat sa Navotas buy bust