Home NATIONWIDE Obispo sa BSK officials: Kapakanan ng mamamayan, unahin!

Obispo sa BSK officials: Kapakanan ng mamamayan, unahin!

MANILA, Philippines – Hinamon ng isang Obispo ang mga nanalong kandidato sa nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa matapat na paglilingkod sa kapakanan ng buong pamayanang nasasakupan.

Panawagan ng humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) — na si Caritas Philippines National President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga opisyal ng barangay na maayos na matanggap ng mga mamamayan ang mga programa ng gobyerno.

Ayon sa Obispo, kinakailangang iwaksi ng mga halal na opisyal ang pansariling interes sa posisyon sa halip ay unahin kabutihan at kapakanan ng taumbayan o ang common good.

“We urge you to serve the best interests of your barangays and to work tirelessly to improve the lives of your constituents,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.

Pinasalamatan din ng Obispo ang lahat ng mga nangasiwa sa pagtiyak ng kaayusan, kapayapaan at katapatan ng nagdaang halalan kabilang na ang mga kawani ng Commission on Elections (COMELEC), Pambansang Pulisya ng Pilipinas, volunteers ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), lalo’t higit ang mga guro na nangasiwa ng halalan sa loob ng mga silid-aralan.

Tiniyak ng Obispo ang tuwinang pakikibahagi ng Simbahan upang tulungan ang mga lingkod ng barangay at sangguniang kabataan na isulong ang ng kaayusan at kaunlaran sa pamayanan.

Pinaalalahanan naman ni CBCP Office on Stewardship Chairperson, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga bagong halal na opisyal na ang pagiging lider ay may kaakibat na pananagutan sa Diyos kaya’t mahalagang gampanan ito nang buong katapatan.

Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang lahat ng lider ng pamayanan maging ang simbahan na gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Sinabi ng Obispo na dapat panindigan ng mga lider ang tiwalang ibinigay ng Diyos upang pangasiwaan ang pamayanan at huwag sayangin ang pagkakataong paglingkuran ang kapwa.

Ayon pa kay Bishop Pabillo, bukod sa mga halal na lider ng bayan, kabilang na rin dito ang mga pastol ng simbahan, mga guro, magulang at iba pang indibidwal na inatasang mamuno sa mga komunidad na kinabibilangan.

Tinuran ng opisyal ng CBCP ang katatapos na barangay at sangguniang kabataan elections kung saan hinamon ang mga nanalong indibidwal na gampanan ang kanilang tungkulin sa pamayanan lalo na ang pag-unlad ng mga barangay at paglingap sa bawat nasasakupan.

Giit pa ng Obispo, dapat pagnilayan ng mga lider ang kanilang uri ng pamumuno kung naisasabuhay ang pagiging pinuno at nagampanan ang mga tungkulin sa pamayanang gabayan ang nasasakupan.

Sa nakalipas na BSKE, naihalal ang mahigit sa 42,000 barangay captain at sangguniang kabataan chairperson at mahigit sa 300,000 kagawad sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleKauna-unahang Nat’l Jail Decongestion Summit itinakda sa Disyembre
Next articleMasinloc fishers nagpalutang ng buoy effigy vs China