Home METRO Obrero binaril-patay ng nakaalitan

Obrero binaril-patay ng nakaalitan

MANILA, Philippines – PATAY ang 47-anyos na foreman matapos pa-traydor na barilin sa ulo ng isang lalaking nakaalitan umano sa Navotas City.

Kaagad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong tama ng bala ng .9mm sa likurang bahagi ng ulo ang biktimang si Ronald Presto alyas “Bong” ng Trece Martirez, Cavite at stay-in worker sa isang shipyard sa lungsod.

Sa ulat nina P/SSg. June Villaluz at P/SSg. Allan Navata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, pauwi na ang biktima, kasama ang testigong si alyas “Carlo”, 25, kababayan at katrabaho mula sa pakikipag-inuman sa Konsee Bar sa M. Naval St, Brgy. Daanghari nang may lalaking nakasagutan umano sa labas ng bar sa hindi nabatid na dahilan.

Habang naglalakad pabalik sa trabaho, kasama ang testigo dakong alas-6:40 ng umaga sa M. Naval corner A. Leongson St., Brgy. San Roque nang biglang sumulpot mula sa likod ang suspek at binaril sa ulo ang biktima.

Nakita pa sa nakakabit na CCTV sa lugar ang pamamaril ng suspek na kaagad tumakas patungo sa Paltok St., Brgy. Daanghari, bitbit ang armas na ginamit sa pagpaslang.

Sa follow-up operation nina P/Maj. Albert Juanillo, Assistant Chief of Police for Operation at Capt. Edward Adriano, Commander ng Sub-Station-2_ nadakip ang suspek na si alyas “Enrico” 32, malapit sa kanyang tirahan sa Rama Tanda St. Brgy. Daanghari at nakuha sa kanya ang isang improvised gun na may lamang isang basyo at tatlong bala ng .9mm na bala na kanyang ginamit sa pagpaslang.

Ayon kay SSgt. Villaluz, positibong kinilala ng testigong si Carlo ang suspek na nakasagutan ng kanilang foreman at siyang bumaril sa biktima.

Kasong murder at paglabag sa R.A. 10591 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. Rene Manahan

Previous articleSUV sinuwag ng motorsiklo, mag-ama sugatan
Next articleClau, nagsalita no-show ni Jodi!