MANILA, Philippines – IBINALIBAG sa loob ng selda ang isang construction worker matapos manghiram ng tapang sa dalang sumpak at magwala saka maghamon ng away sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong suspek na si Edmond Cordero, ng No. 21, Camia St, Barangay Maysilo.
Sa imbestigasyon nina PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Rocky Pagindas, nagsasagwa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 3 sa kahabaan ng Camia St., Brgy., Maysilo nang makita nila ang suspek na nagwawala at hinahamon ng away ang mga bystander sa lugar habang may hawak na sumpak, dakong alas-11:15 ng gabi.
Gayunman, nang makita niya ang papalapit na mga pulis ay hindi naman pumalag ang suspek nang arestuhin siya at kumpiskahin sa kanya ang hawak na isang improvised firearm (sumpak) na kargado ng isang bala ng 12 gauge shotgun.
Kasong Alarm and Scandal at paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code ang isasampa ng pulisya kontra sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. Boysan Buenaventura