Home METRO Obrero todas sa pamamaril ng 2 kalugar sa Malabon

Obrero todas sa pamamaril ng 2 kalugar sa Malabon

MANILA, Philippines – PATAY ang isang construction worker matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang kalugar makaraan ang mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kaagad binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Casas Cresencio, 40 ng No. 5 Atis Rd San Miguel Brgy. Potrero.

Tinutugis naman ng pulisya para maaresto ang mga suspek na sina Ericson Francia alyas Onetit at Archie Bautista, kapwa nasa hustong gulang at parehong nakatira din sa nasabing lugar.

Sa report nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-9:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng Lasbuenas Garment sa Industrial Road Brgy. Potrero.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na bago naganap ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at mga suspek sa bahay ni Cresencio subalit, naawat naman sila ng mga bystander.

Gayunman, nang umalis ang biktima ay sinundan siya ng mga suspek at pagdating sa lugar ng insidente ay isa sa mga salarin ang naglabas ng hindi matukoy na uri ng baril saka sunod-sunod na pinaputukan sa katawan si Cresencio bago mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksyon.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang metal fragment, isang improvised hand gun na kargado ng isang bala ng 12 gauge shotgun, isang kitchen knife, isang double bladed weapon at isang coin purse na naglalaman ng dalawang plastic sachets na may laman ng hinihinalang shabu.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung may kinalaman sa illegal na droga ang motibo sa insidente. Boysan Buenaventura

Previous articleBakuna epektibo pa rin vs JN.1 COVID variant – DOH
Next articleLuneta dinagsa ng 6K indibidwal sa araw ng Pasko