Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) noong Linggo na mayroon itong hindi bababa sa P108 milyon na halaga ng non-food items na naka-preposition, at P244 milyon pang quick response fund na naka-standby para matulungan ang mga maaapektuhan ng Bagyong Betty.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni OCD information officer Diego Mariano na bahagi ng kanilang paghahanda sa paparating na bagyo ang prepositioning, stockpiling, at restocking ng mga relief goods at non-food items sa lahat ng probinsya.
Maging ang mga rescuer at responders mula sa local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRMMO), at iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay nakaalerto na kung sakaling kailanganin, dagdag niya.
Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ngayong Linggo ng umaga sa 12 lugar habang napanatili ni Betty ang lakas nito habang kumikilos sa ibabaw ng Philippine Sea sa silangan ng Northern Luzon, sabi ng PAGASA. RNT