MANILA, Philippines- Mapalalakas ng idineklarang tatlong non-working holidays sa Oktubre 30 at Nobyembre 1 at 2 ang lokal na turismo.
Magagawa kasi ng mga Filipino na i-enjoy ang ‘long weekend.’
Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary and National Economic and Development Authority director general Arsenio Balisacan na ang long holidays ay magbubunga ng positibong epekto sa ekonomiya ng bansa lalo pa’t maitutulak nito ang paglago sa sektor ng turismo.
“When the business sector plans, when we plan in government, we have already taken those (holidays) into account. Of course, may mga effects,” ani Balisacan.
“Ngayon our economy is fully open, mobility is no longer restricted, and those long holidays should be good for tourism, local tourism. So, it’s okay,” dagdag na pahayag nito.
Nauna rito, idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Oktubre 30 (Lunes) bilang special non-working day para bigyan ng laya at pagkakataon ang mga Filipino na bumoto sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ang dalawa pang petsa na idineklarang holiday ng Pangulo ay Nobyembre 1 (Miyerkules), All Saints’ Day at Nobyembre 2 ( Huwebes), All Souls’ Day.
Ani Balisacan, ang extended suspension ng trabaho ay mayroong “mixed impact” sa mga empleyadong Filipino lalo na kung idedeklara ring holidays ang Oktubre 31 at Nobyembre 3.
Iyon nga lamang, maraming mga manggagawa ang apektado ng “no work, no pay” policy.
“There are so many of those, especially in the private sector. So, I think we have to take that into account, marami ‘yung talagang gustong magtrabaho dahil kinakailangan nilang magtrabaho to make both ends meet,” ayon kay Balisacan sabay sabing, “I mean the long holiday is not for many of them. it is not what they want. They want work.”
Batay kasi sa ‘rules’ na inihayag ng Department of Labor and Employment, ang special non-working holidays ay saklaw ng “no work, no pay” policy, maliban na lamang kung sa polisiya ng kompanya o collective bargaining agreement ay inihahayag ito sa ibang pagkakataon.
Ang mga empleyado na magre-report sa trabaho sa panahon ng special non-working holidays ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento sa kanilang daily rate para sa unang walong oras ng trabaho.
Ang overtime ay binabayaran naman ng karagdagang 30 porsyento ng ‘hourly rate’ ng manggagawa sa araw na iyon. Kris Jose