MANILA, Philippines- Hinikayat ang publiko na magpaturok ng COVID-19 bivalent vaccines at booster shots upang mapalakas ang immunity laban sa sakit.
Sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group bagama’t hindi lubos na mapipigilan ng bakuna na mahawa ng COVID-19, mahaharang nito ang severe infection at mapapalakas ang immunity laban sa virus.
“Kaya rin, isang dahilan kaya nagkakaroon ulit ng pagtaas ng cases ay dahil humihina ‘yung ating immunity, and nagkakaroon tayo ng waning immunity kasi after 6 months, mga 6 months after ng vaccination or booster, or ng infection, usually vulnerable na naman tayo,” aniya.
“Ang magandang balita, nananatili ‘yung protection natin against severe infection, against severe COVID,” dagdag ni Guido.
Anang eksperto, mabuti nang magpabakuna ng COVID-19 vaccines habang libre ito, dahil mahal umano ang pagpapagamot para sa COVID-19.
“It makes more economic sense kasi ‘yung bakuna, libre lang sa ngayon, baka sa future hindi na ‘yan libre. Pero ‘pag magkasakit sila, kahit sabihin natin na mild lang, pero kailangan nila ng gamot, ng treatment, mas mapapagastos tayo,” sabi niya.
Nakatanggap ang Pilipinas ng halo 400,000 doses ng Pfizer bivalent COVID-19 vaccines na donasyon ng Lithuanian government nitong Sabado.
“The bivalent vaccine is designed to provide protection against the omicron variant,” ayon kay Department of Health ASec. Leonita Gorgolon. RNT/SA