Home NATIONWIDE OFW, anak na Hapon natagpuang patay sa bakanteng lote sa Quezon; tiyahing...

OFW, anak na Hapon natagpuang patay sa bakanteng lote sa Quezon; tiyahing person of interest, sumuko!

CAMP VICENTE LIM, Laguna -PARA mabilis ang paglutas sa kaso ng mag-inang Mortegi at Litada, binuo ng Quezon Police Provincial Office ng Special Investigation Task Group (SITG) makaraan matagpuan ang bangkay ng mga ito na inilibing sa bakanteng lote, nitong Linggo.

Ayon kay Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, hepe ng Police Regional Office-4, binuo nitong Linggo ang SITG para imbestigahan ang pagpatay sa Japanese national na si Mai Motegi, 26, at ina nitong Filipino na si Lorry Litada, 54, sa Tayabas Quezon noong nakaraan buwan.

Tiniyak ng PRO-4 na gagawin nila ang masusing pag-iimbestiga at walang kinikilingan sa gagawin imbestigasyon sa naturang krimen.

Ani Lucas, ang SITG ay binubuo ng mga batikang imbestigador at eksperto mula sa iba’t ibang PRO 4-A units.

Inatasan ni Lucas ang SITG na magsagawa ng malalim na profiling sa mga suspek, pabilisin ang mga resulta ng forensics examination, at magsagawa ng iba pang mga hakbang para agaran paglutas sa kaso.

Kaugnay nito, hinimok din ng PRO-4 ang publiko na iwasan ang mga haka-haka bagkus palawakin ang kanilang kooperasyon at suporta sa imbestigasyon.

Aniya, sa sinoman na may alam hinggil sa kaso ay hinihikayat nila lumapit at tulungan sila sa pagsisikap na mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Matatandaan, nitong Biyernes sumuko sa Pio Duran, Albay, sa Tayabas City ang Person of Interest na si Ligaya Oliva Pajulas, kapatid ni Lorry at tiyahin ni Mai.

Sinabi ni Police Major Darwin Sevilla, hepe ng pulisya ng Pio Duran, na humingi ng tulong ang anak ni Ligaya, ang nakatatandang kapatid ni Lorry, at nakipag-ugnayan sa pulisya para sa pagsuko ng kanyang ina.

Natagpuan ang mga bangkay nina Lorry at Mai na nakaburol sa isang mababaw na libingan malapit sa bahay ni Pajulas sa Bella Vita Subdivision sa Barangay Isabang noong Huwebes ng hapon, Marso 14.

Nadiskubre din na nawawala ang P5 milyon ni Lorry na ibabayad sana isang property na kanilang binili sa naturang lalawigan.

Si Lorry ay isang Overseas Filipino Worker sa Japan at nagbakasyon kasama si Mai nang mawala sila noong Pebrero 20.

Itinuring na POI si Ligaya matapos itong umalis sa kanilang bahay kasama ang asawang si Charlie matapos naiulat na nawawala ang mag-inang Lorry at Mai noong Pebrero 21.

Kwento pa ng kaanak, bago nawala ang mag-ina ay nagtungo pa ng mga ito sa bahay ni Ligaya./Mary Anne Sapico

Previous articleDrug syndicate leader sa Cebu nadakip sa Cavite
Next articleSenate probe sa Chocolate Hills controversy, sinusugan ni Bong Go