Home NATIONWIDE OFW hospital bill inihain ni Bong Go

OFW hospital bill inihain ni Bong Go

MANILA, Philippines – Inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2297 o ang Overseas Filipino Workers Hospital bill bilang pagkilala sa kontribusyon at sakripisyo ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Go, ang pagtatayo OFW Hospital ay hindi lamang isang pangarap na natutupad kundi isang pangako na nagsisilbing patunay kung gaano pinahahalagahan ni dating Pangulong Duterte ang mga sakripisyo at kontribusyon ng OFWs.

Dahil dito, sinabi ni Go na ang suporta sa pagpapatakbo ng pasilidad ay dapat ding ibigay kahit tapos na ang termino ng dating Pangulo.

“Ang pangarap natin magkaroon ng isang OFW hospital, naisakatuparan na ito. Hindi na po panaginip. Mayroon na rin po tayong Malasakit Center sa inyong OFW Hospital,” anang senador.

Ayon kay Go, inihain niya ang panukala dahil kailangang ipagpatuloy ang suporta sa mga magagandang programa na nasimulan noon. Sisikapin din niyang palakasin pa lalo ang mga inisyatibang nakatutulong sa ating mga kababayang, kasama na ang OFWs kinilala bilang mga bagong bayani.

Ang panukalang batas na inihain noong Miyerkules ay layong pahusayin ang medical access at kapakanan ng OFWs, maging ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng Overseas Filipino Workers Hospital and Diagnostic Center sa San Fernando City, Pampanga.

Uunahin ang pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan ng mga modernong bayani sa pagbibigay sa kanila ng sapat na serbisyong medikal at suporta.

Nais tiyakin ng panukalang batas ni Go na ang OFW Hospital ay magiging permanenteng institusyon na popondohan ng gobyerno na nakatuon sa partikular na pangangailangang medikal ng mga OFW at kanilang pamilya.

Isa sa mga pangunahing probisyon ng SBN 2297 ay ang paglalaan ng pondong kailangan para sa pagtatayo, pagpapanatili, at pagpapatakbo ng OFW Hospital.

Nabatid na ang 1.5-ektaryang lupa ng ospital na donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga ay nagsimula ng operasyon noong Mayo 2022.

Ang anim na palapag na pasilidad ay may 100 kama at pangunahing nakatuon sa paglilingkod sa OFWs at sa kanilang mga karapat-dapat na pamilya.

“In coordination with the DOH, the OFW Hospital will provide 24/7 telehealth services to migrant workers and their families. This service can be extended at the Philippine foreign post to assist in the medical assessment and management of distressed OFWs while awaiting repatriation. This bill will also strengthen health surveillance through the provision of a post-employment or post-arrival medical examination for OFWs,” ayon sa senador.

Noong Nobyembre, personal na pinangunahan ni Go ang paglulunsad ng 153rd Malasakit Center sa loob ng OFW Hospital.

Isang ideya ni Go, ang Malasakit Center ay one-stop shop na idinisenyo upang tulungan ang mga mahihirap na pasyente sa kanilang mga gastusin sa pamamagitan ng pinagsama-samang ahensya na nag-aalok ng tulong medikal, tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Previous articleDegamo slay suspects inilipat sa BJMP
Next articleNo. 1 most wanted ng Talipapa nadakma