MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) na pagbubutihin pa nito ang mga pasilidad at staffing para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa Pampanga makaraang makatanggap ng kritisismo mula kay Senador Raffy Tulfo dahil sa mahinang serbisyo.
Ang pahayag na ito ng DMW ay makaraang magsagawa ng surprise visit si Tulfo sa OFW hospital.
“This is the first time makapunta ako sa isang ospital na walang katao tao… Nasan ang mga pasyente?” tanong ni Tulfo, makaraang malaman na mayroon lamang dalawang pasyente ang naka-admit sa ospital.
“It is not being used to its full potential. Sayang. Sayang ‘to [this is a pity]. I feel sorry for this hospital,” dagdag pa niya.
Ayon sa report, mayroong 200 staff members sa ospital, na binubuo ng 46 na doktor, 72 nurse at iba pang staff.
Anang senador, mayroong kakulangan naman sa mga pasyente sa OFW Hospital dahil ang outpatient department ay sarado tuwing weekend at tumatanggap lamang ng 10 walk-in patients kada araw.
Ang iba naman ay kailangan pang mag-book ng online appointment sa website ng ospital para sa medical consultation.
Nakikipag-ugnayan na umano ngayon ang DMW sa opisina ni Tulfo.
Sinabi pa ng DMW na nakikipag-ugnayan din ito sa Department of Budget and Management (DBM) para tugunan ang mga isyu sa staffing.
“Nakikiisa tayo kay Sen. Raffy na lalo pang ipa-improve ‘yung facilities. Maayos, malinis ‘yung facilities pero ayun nga, kailangan pa nating bigyan ng pansin ‘yung pagdadagdag ng tao doon sa ospital, kasi ang number of nurses and doctors are kulang pa rin,” sinabi ni Cacdac sa panayam ng DZBB.
Magiging available na ang outpatient services ng OFW Hospital tuwing Sabado.
Ani Cacdac, nakapagserbisyo ang ospital ng kabuuang 13,625 pasyente ngayong taon.
Matatandaan na inilunsad noong Mayo 2022 ang OFW Hospital na tututok sa healthcare needs ng mga OFW at qualified dependents nito. RNT/JGC