Home NATIONWIDE OFWs kinilala ng DMW kasabay ng National Migrants Week

OFWs kinilala ng DMW kasabay ng National Migrants Week

MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na isang linggong aktibidad ang inihanda para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) ng bansa at kanilang mga pamilya.

Sa pagdiriwang ng 28th National Migrants Week noong Miyerkoles, pinarangalan at kinilala ni Ople ang mga OFW sa pagbibigay ng puri sa bayan at napakalaking sakripisyo upang suportahan ang kanilang pamilya at sa pagtulong sa ekonomiya.

Sa kanyang video message na inilabas sa Facebook, tiniyak ng kalihim na ang DMW ang magsisilbing tahanan ng mga OFW at kakampi sa gobyerno.

“Lagi kayong binibilin ng ating pangulo, si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at sabi nga niya alagaan kayong mabuti at huwag kami magkulang sa pagtatanggol ng inyong karapatan (Our President, President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. always reminds us to take good care of you and not fail in defending your rights),” saad ni Ople.

“Makakaasa kayo na ang inyong tahanan sa gobyerno ay nandito palagi, 24/7 para kayo’y paglingkuran at ang inyong mga pangarap ay matupad dito man sa Pilipinas o saan mang panig ng mundo (You can count your home in the government that we will always be here, 24/7 to serve you and make your dreams come true whether it’s here in the Philippines or anywhere in the world),” dagdag pa ng kalihim.

Noong Lunes , binuksan ni Ople ang isang linggong selebrasyon na may bazaar at photo exhibit contest na tampok ang Filipino seafarers, bago ang International al Seafarers Day sa June 25.

Layon ng exhibit na kilalanin ang kontribusuon at sakripisyo ng mga Pilipinong marino, na ang husay, kakayahan, at atraksyon na nagpapakita ng kanilang pagiging Pilipino habang ginagawa ang kanilang pang-araw-araw na gawain sa kanilang mga barko ay kilala sa buong mundo.

Noong Martes, nagsagawa ang DMW ng isang seremonya ng pagpapadala para sa mga manggagawang patungo sa Korea sa DMW lobby.

Noong Miyerkules, ilang kasunduan ang nilagdaan ng DMW kasama ang iba pang concerned government agencies tulad ng
Department of Trade and Industry at iba pang stakeholders mula sa pribadong sektor para sa pagpapatupad ng full-cycle reintegration programs para sa mga OFW.

Nagsagawa rin ng mga pagsasanay para sa pagpapaunlad ng kakayahan para sa mga OFW gayundin sa kanilang mga pamilya.

Ngayong Huwebes, nakatakdang lumagda ang DMW ng Memorandum of Understanding kasama ang Bangko Sentral ng Pilipinas at BDO Foundation para sa “Pinansiyal na Talino at Kakayahan” (PiTaKa) project.

Sa Biyernes Naman ay ilulunsad ang bagong rules and regulations ng DMW na namamahala sa recruitment at employment ng land-based overseas workers.

Sa June 12, Araw ng Kalayaan, magkakasa ng overseas job fair sa DMW office building lobby at sa June 13, ang DMW ay pipirma ng bagong kasunduan kasama ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa socialized housing project para sa eligible OFWs at kanilang pamilya.

Hinikayat ng DMW ang mga interesafing aplikante sa job fair na magdala ng ilang kopya ng kanilang resume, photocopy ng kanilang passport at magdala ng sariling ballpen.

Hinikayat din ang mga aplikante na magsuot ng face mask sa loob ng gusali.

Samantala, maliban sa mga OFWs, pinasalamatan din ni Ople ang mga kawani at empleyado ng DMW na walang kapagurang nagseserbisyo sa mga migrant workers.

Tuwing Hunyo 7 minamarkahan ng Pilipinas ang “National Migrant Workers’ Day” upang ipagdiwang ang paglagda sa Republic Act No. 8042 o ang Migrant Workers’ Act of 1995. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleEB sa TV5 suportado ni Bullet ng TAPE Inc.
Next articleTUBIG-BAHA ARMAS SA GIYERA