Home OPINION OFWs PROTEKTAHAN SA ISRAEL-HEZBOLLAH WAR

OFWs PROTEKTAHAN SA ISRAEL-HEZBOLLAH WAR

PAIGTING nang paigting ang labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon.

Halos araw-araw na nagbabagsak ng bomba ang Israel sa pinaniniwalaan nitong mga pwesto ng pwersa ng Hezbollah, kasama na ang mga pagawaan at taguan ng armas ng mga ito.

Ang Hezbollah naman, araw-araw ding nagpapakawala ng missile at rocket sa mga pwestong militar at pwersa ng Israel, kasama na ang mga drone ng huli.

May 200 nang patay sa Lebanon, kabilang ang 170 sundalong Hezbollah at 30 sibilyan.

May mga patay na ring sundalong Israeli ngunit libo-libong Israeli na ang lumikas palayo sa hangganang ng Lebanon at Israel.

MISSILE HANGGANG DULO NG ISRAEL

Sinasabi ngayon ng Hezbollah na kahit saan sa Israel, kaya nilang patamaan ng missile.

At kung magpapatuloy ang giyera, lalawak at babangis nang husto dahil balak din ng Israel na lahat ng pwesto nang Hezbollah ay kanilang bobombahin at dudurugin.

Magaganap ito habang hindi tumigitil ang giyerang Istael-Hamas sa Gaza Strip.

Sa ngayon, pinag-uusapan ang pagdurog ng Israel sa South Gaza na noong una, doon pinapunta ang nasa 1,000,000 Palestino mula sa North Gaza.

At ngayong durog na ang North Gaza, nais ng Israel na durugin na rin ang South Gaza.

Nandiyan na nga ang mga babala ng Israel na dapat nant lumayas ang Palestino upang papasukin na nila ang South Gaza.

Nauunsyami nga lang ngayon dahil sa rami na ng humaharang dito, kasama na pati ang US na suporter nito at tagabigay ng mga armas at bomba laban sa Hamas.

MGA OFW ASIKASUHIN NA

‘Di ba nasa 30,000 ang mga overseas Filipino worker sa Israel at nasa 33,000 din sa Lebanon?

Tiyak na may nagbabakwit nang mga Pinoy mula sa mga lugar na binobomda ng Israel sa Lebanon.

Tiyak ding may kasama na ring mga Pinoy sa mga nagbabakwit na Israelita sa hanggang ng Israel at Lebanon.

Nasusubaybayan ba nang husto ng ating mga ambassador o kinatawan ng Pilipinas sa dalawang bansa ang nagaganap sa mga OFW?

Ano-ano na ang mga paghahanda ng mga ito sakaling lalawak at babangis ang giyera sa pagitan ng Israel at Hezbollah at kung kikilos na rin ang Lebanon laban sa Israel para protektahan ang teritoryo at mamamayan nitong madadamay?

Nasaan ang mga posibleng mabilis na tunguhin evacuation areas na ligtas sa mga bomba at missile ng magkabilang panig?

May nakahanda na bang mga taong pamahalaan at gamit para sa pagbabakwit ng marami o libo-libong OFW?

Hindi dapat maulit ang mga naganap na pagbabakwit na halos tanging mga Pinoy lang ang mga napag-iiwanan at naiipit sa gitna ng mga digmaan.

‘Yang mga iniimbestigahan ng Senado na bilyon-bilyong pisong inilalaan para sa pagpapapirma at pagpapatakbo ng People’s Initiative na tinatawag nang Pekeng Initiative ng mga senador, lingon-lingunin na para magamit sa pagbabakwit.

Palagay ko, mga Bro, papayag naman silang nagsusulong ng PI na ilaan ang mga salaping bayan na ‘yan para sa proteksyon at kaligtasan ng mga OFW kaysa gastusin sa pagpapapirma at pagpeplebisito para sa Charter Change o Cha-cha.

Previous articleNGINGISI-NGISI NA LANG SI BIDEN SA GIYERA
Next articleBulacan court naglabas ng arrest warrant vs Tamano, Castro