Home NATIONWIDE OFWs tuturuan ng financial literacy sa ilalim ng kasunduan ng DMW, PSE

OFWs tuturuan ng financial literacy sa ilalim ng kasunduan ng DMW, PSE

MANILA, Philippines- Inilunsad ng gobyerno ang education program upang turuan ang overseas Filipino workers (OFWs) ng financial literacy at investment, gayundin ang pagprotekta sa kanila mula sa investment fraud at scam.

Pormal na ikinasa ang programa nitong Huwebes sa paglagda ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Philippine Stocks Exchange (PSE).

Ayon sa DMW, kabilang sa layunin ng programa ay turuan ang mga OFW kabilang ang mga magbabalik at mananatili na sa Pilipinas ng mga batayan ng pamumuhunan sa stock market .

Ayon kay PSE president at chief executive officer Ramon Monzon, tanging 5.6% ng 1.7 milyong retail investor accounts sa stock market ay mula sa OFWs hanggang noong 2022.

Aniya, binubuo ito ng 94,000 ng tinatayang 2.33 milyon OFWs na rehistrado sa DMW at na-clear ng Bureau of Immigration para sa overseas employment noong 2023.

Layon din ng program na magbigay sa OFWs ng impormasyon laban sa investment fraud at scams.

Sa rekord ng gobyerno, nagpapakita na ang bilang ng OFWs ay umabot sa pinakamataas noong 2023 na may 2.33 milyon at mas mataas mula 1.2 milyon noong 2022.

Ang cash remittance mula OFWs noong nakaraang taon ay pumalo sa record high na $33.49 bilyon na mas mataas mula sa $32.54 bilyon noong 2022 batay sa datos ng gobyerno na binanggit ni Monzon.

Ang paglagda sa MOU ay pinangunahan ni Cacdac at Monzon at sinaksihan ng 10 kinatawan mula sa iba’t ibang OFW organizations. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleTolentino sa local gov’t officials: El Niño tugunan
Next articleBuCor nagtayo ng parke para sa pamilya ng mga PDL