
IMINUMUNGKAHI ng bansang Iran na gawan ng oil embargo ang Israel at mga bansang sumusuporta rito bilang ganti o pwersa para tumigil na ang Israel sa pagdurog sa Gaza.
Alam na nating may giyera ngayon sa pagitan ng Hamas at Israel at bibihira na lamang ang nakatayong mga gusali o bahay sa Gaza na tirahan o base ng Hamas na lahing Palestino.
Pati mga mga ospital, eskwela, mosque at simbahan winawasak na ng Israel bilang ganti sa pagkamatay ng nasa 1,400 na Israelita at iba pang lahi, gaya ng ilang Pinoy, noong umatake ang Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023.
Mahigit 10,000 na ring nasa Gaza ang patay, kasama ang nasa 4,000 mga bata.
Ang totoo, hindi nanggagaling sa mga bansang Arabo na malapit sa Israel ang suplay ng Israel ng langis kundi sa Kazakhstan, mga kompanyang Kano, Azerbaijan at Nigeria.
Wala itong suplay mula sa Saudi Arabia, Iran, United Arab Emirates at iba pa na malalaking oil producer.
Wala pa namang tumutugon mula sa ibang mga Arabong bansa sa panawagan ng Iran.
Pero kung lalawak ang giyera, baka may iba na susunod sa panawagan ng Iran.
ILANG EPEKTO SA PINAS
Tiyak na magkakaroon ng hindi magandang epekto sa Pinas ang oil embargo.
Noong 1973-74 na may oil embargao na pinangunahan ng Saudi Arabia, anak ng tokwa, nagkandaloko-loko ang buong mundo sa pagsirit ng presyo ng langis.
Panahon iyon ng Yom Kippur War na halos lahat ng Arabong bansa ang nakipaggiyera laban sa Israel.
Nang mangyari ang oil embargo, nagtaasan ang presyo hindi lang ng langis kundi ng mga bilihin at serbisyo sa Pinas.
At nagtuloy-tuloy na ang pagtaas ng presyo ng langis mula noon, kasama ang mga presyo ng bilihin.
Sa bigas lamang, noong 1971, P48 lang ang isang kaban ngunit noong 1974, lumundag ang presyo sa P95 kada kaban.
Siyempre, humalo na dahilan ng pagmahal ng bigas ang masasamang panahon na lumikha ng mga mapanirang baha, sakit ng palay at iba pa.
Pero nang gumanda ang produksyon ng palay sa Pinas sa ilalim ng Masagana 99 ni Manong Ferdie Marcos, bumaba sa P65 kada kaban noong 1979.
Noong 1995 na may krisis sa bigas na gawa pangunahin ng mga ismagler at horder pero may pagbagsak din ng suplay ng bigas sa buong mundo, naging P500 ang presyong National Food Authority rice habang doble rito ang sa mga hoarder at ismagler.
Ngayon, katamtaman na ang P2,000 o kaya’y mahigit pa ang isang kaban.
Lagi-lagi, nagmamahal ang bigas tuwing nagkakandaletse-letse ang presyo ng langis.
Kaya dapat paghandaan na uli ang pagsirit ng lahat ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, kasama ang mga kuryente at pamasahe kung muling sisirit ang presyo ng langis sakaling magkaroon ng panibagong embargo dahil sa Hamas-Israel war.