Home METRO Oil mill sa Laguna, nasusunog!

Oil mill sa Laguna, nasusunog!

MANILA, Philippines – Hanggang sa mga sandaling ito, Enero 15, ay nasusunog pa rin ang isang oil mill sa Barangay San Benito, Alaminos, Laguna.

Ayon sa ulat, ang sunog ay nagsimula pa alas-2 ng madaling araw nitong Linggo, Enero 14.

Agad na itinaas sa ikatlong alarma ang sunog na tumupok sa dalawang bodega na naglalaman ng mga kopra na ginagamit naman para sa paggawa ng langis.

“Medyo mahirap kasi ito po ay oil at saka ‘yung volume ng nasusunog ay medyo may kalakihan po. Nasa 2,300 tons ang laman as per info nung nandito sa area,” pahayag ni FCInsp. Adrian Dela Cruz, Fire Marshal ng San Pablo Fire Station sa panayam ng ABSCBN News.

Naging pahirapan umano ang pag-apula sa sunog dahil nagniningas ang mga nasusunog na kopra.

“Ito po ay combustible at itong katas nito ay naglilingas po. Ang ginagawa po namin nilalabas po namin unti-unti ang kanilang mga stock na kopra,” dagdag ni Dela Cruz.

“Kasama sa aming ginagamit ‘yung tinatawag na AFFF, aqueous film forming foam. Hinahalo namin sa aming fire truck para po maapula pero sa laki ng volume ng ating stock, hindi po siya basta-basta naaagapan po,” pagpapatuloy niya.

Kalaunan ay kumalat pa ang apoy malapit sa tatlong tangke na imbakan ng mga langis.

Ayon naman sa BFP, na-confine na nila ang sunog upang hindi na ito kumalat sa iba pang mga katabing gusali.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. RNT/JGC

Previous articlePinoy speed skater Groseclose sasabak sa Winter Youth Olympics
Next articlePacers iyak sa Nuggets, Jokic