Home NATIONWIDE Oil spill sa MT Princess Empress nagdulot ng P40B environmental damage –...

Oil spill sa MT Princess Empress nagdulot ng P40B environmental damage – grupo

MANILA, Philippines – Nag-iwan ng tinatayang P40 bilyon na environmental damage ang paglubog ng MT Princess Empress na nagdadala ng 800,000 litro ng industrial fuel oil malapit sa Verde Island Passage, ayon sa isang non-governmental think-tank nitong Lunes, Pebrero 26.

Ayon kay Gerry Arances, executive director ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED), isinagawa ang pag-aaral kasama ng ilang eksperto katulad ng mga miyembro ng College of Economics na naglantad ng malawak na epekto ng oil spill.

Matatandaan na noong Marso 24, 2023 ay lumubog ang MT Princess Empress sa dagat na sakop ng Oriental Mindoro.

Aniya, ang pagtaya ng CEED ay 800 beses na mas malaki kumpara sa naunang pagtaya ng ilang ahensya ng pamahalaan.

“Kaya namin inilalabas ito para may parallel na citizen-led estimates para maikumpara doon sa pwedeng ilabas na gobyerno kasi walang lumalabas na komprehensibong pag-aaral. Gusto rin nating i-engage din ang gobyerno dahil halos kakapiranggot kasi yung naging atensyon at response dito sa disaster na ito,” ani Arances sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Nagpakita rin ng matinding konsentrasyon ng langis at grasa ang tubig sa marine protected areas na apektado ng oil spill.

“Importante ang marine protected areas kasi dyan nanggagaling ‘yung karamihan ng isda na nangingitlog at lumalaki para maging source ng livelihood ng ating mga kababayan dyan na mga mangingisda,” pagpapatuloy niya.

“Itong darating na anibersayo ay ili-lift na ang state of calamity dyan sa POLA, Oriental Mindoro kaya rin tayo nananawagan sa gobyerno dahil kumbaga inadequate kung nakuha natin.”

Nauna nang ibinabala ng environmental group na Oceana Philippines na aabutin ng ilang taon bago makarekober ang mga bakawan, seagrasses at corals dahil sa trahedya.

Kamakailan ay inaprubahan ng Department of Justice ang paghahain ng criminal charges laban sa corporate officers ng M/T Princess Empress maging sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority sa naganap na oil spill noong nakaraang taon. RNT/JGC

Previous articleOnline bentahan ng ismagel na sibuyas pinabubusisi sa Kamara
Next articleMga Pinoy na nakakapangisda sa Scarborough Shoal mas dumami na