MANILA, Philippines- Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang buwan ng Oktubre bilang Cybersecurity Awareness Month.
Mula Setyembre kada taon ay ginawa na ito ni Pangulong Marcos na Oktubre para isabay sa international event.
Nauna rito, nagpalabas ang Official Gazette ng kopya ng Proclamation No. 353 noong Oktubre 4. Nilagdaan ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Oktubre 2.
Tinukoy ng Pangulo ang pangangailangan na amyendahan ang orihinal na Proclamation No. 2054 na inilabas noong 2010.
“In order to synchronize the Philippines with the international observance of the ‘Cybersecurity Awareness Month’ in October and to further signify the country’s unwavering commitment towards a unified approach in the digital era of governance, there is a need to amend Proclamation No. 2054,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Dahil dito, inatasan ng Chief Executive ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na pangunahan ang pagdiriwang ng Cybersecurity Awareness Month at kilalanin ang mga programa, proyekto at aktibidad na kapareho sa international best practices para sa taunang selebrasyon.
Inatasan din nito ang lahat ng national government offices at hinikayat ang local government units, non-government organizations, at private sector na suportahan ang DICT sa pamamagitan ng aktibong magpartisipa sa annual observation.
“Cybersecurity Awareness Month aims to reinforce efforts to address strategic policy dimensions of cybersecurity, develop a national cyber defense capability, and create public awareness through intensified campaigns showcasing cybersecurity information,” ayon sa Malakanyang.
Sa kabilang dako, ang Proclamation No. 353 ay inilabas matapos na opisyal na kumpirmahin ng DICT na nagsimula nang ilantad ng hackers ang ilan sa PhilHealth data sa dark web matapos na hayagang tanggihan ng pamahalaan na magbayad ng ransom na nagkakahalaga ng P17 milyon.
Sa kanyang proklamasyon, sinabi ng Pangulo na polisiya ng estado na tiyakin ang proteksyon at kapakanan ng mga mamimili, data privacy at security, at pagyamanin ang kompetisyon at paglago ng ICT sector.
“The Data Privacy Act of 2012 mandates the State to ensure that personal data in information and communications systems in the government and the private sector are secured and protected,” ayon sa ulat.
Samantala, winika ni Pangulong Marcos na isa sa mga estratehiya sa ilalim ng kanyang Philippine Development Plan 2023-2028 ay siguruhin ang kaligtasan at seguridad sa “cyber and physical spaces” at i-adopt ang legal framework para palakasin ang cybersecurity at polisiya hinggil sa minimum information security standards.
Idinagdag pa nito na ang Pilipinas, bilang State Party sa Budapest Convention, ay committed na i-develop ang domestic legislation laban sa cybercrimes at isulong ang kamalayan at kolaborasyon sa hanay ng mga bansa sa laban ng mga ito sa cyber-related crimes. Kris Jose