MANILA, Philippines – INANUNSYO ng Malakanyang na nagpalabas ng proklamasyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na idinedeklara ang buwan ng Oktubre kada taon bilang “Communications Month” at bawat ika-11 ng buwan bilang anibersaryo ng Presidential Communications Office (PCO).
Ito’y bilang pagkilala sa mahalagang papel ng komunikasyon at impormasyon sa nation-building.
Sa dalawang pahinang Proclamation No. 308 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 2, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng komunikasyon sa pakikipag-ugnayan at i-involve ang mga mamamayan at ang media industry na pagyamanin ang kalidad ng pampublikong diskurso sa lahat ng usapin at bagay ng pamamahala.
“The administration aims to provide true, accurate and relevant information regarding its policies, priority programs, and projects to nurture a well-informed and enlightened citizenry through appropriate media,” ayon kay Pangulong Marcos.
Dahil sa proklamasyon na ito, sinabi ng Pangulo na pangungunahan ng PCO ang paggunita sa “Communications Month” at anibersaryo ito kung saan inatasan ang ahensiya para kilalanin ang mga programa, proyekto at aktibidad para sa taunang selebrasyon.
Samantala, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan; government-owned or-controlled corporations; state universities and colleges; lahat ng local government units; non-government organizations; at pribadong sektor na makiisa at suportahan ang PCO sa pagdiriwang ng Communications Month at anibersaryo nito.
Sa ilalim ng Executive Order No. 11 (s. 2022) at Executive Order No. 16 (s. 2023), ang PCO ay responsable para sa paglikha, pagbalangkas, development, pagpapahusay, at koordinasyon ng messaging system ng Executive branch at Office of the President (OP). Kris Jose