LALONG tumitindi ang sigalot at hidwaan ng magkapatid na sina Mayor Eric Olivarez at Rep. Edwin Olivarez, ang political kingpins ng lungsod ng Paranaque.
Nagsimula ang hindi pagkakaunawaan ng magkapatid sa unang araw palang ng pag-upo ni Mayor Eric noong July 1, 2022 kung saan ay pinagsisibak sa pwesto ang halos 50 kawani at department heads ng city hall.
Ang department heads na inalis sa pwesto ng alkalde ay mga permanente na sa kanilang mga departamento at halos sa kanila ay “loyal allies” ni Congressman Edwin simula nang maging alkalde ito noong 2013.
Pito sa mga department head ay naghain ng kasong illegal dismissal sa Civil Service Commission kung saan ay dinidinig pa ang mga reklamo. Pansamantalang nakabalik sa kanilang pwesto ang mga nasibak.
Disyembre noong isang taon, pinirmahan ng chief executive ng lunsgod ang kontrata sa bagong garbage contractor na Metrowaste Solid Waste Management Corp. sa halagang P414 million kaya napalayas ang dating hauler na nagsilbing siyam na taong garbage collector ng lungsod sa panahon noong alkalde pa ang mambabatas.
Ayon sa mga political ally ng mambabatas, nasaktan ito nang tanggalin ang unang garbage collector nang walang dahilan.
Nitong Lunes (Jan 30), namahagi na naman ng press release sa mga pahayagan itong city public information office patungkol sa ghost employees ng city hall na aabot ng 500 na sisibakin ng administrasyon ng alkalde.
Hindi na nakapagtimpi ang nakatatandang Olivarez dahil parang sinasabi ng kampo ng alkalde na may ghost employee noong pumasok ang una sa city hall noong naging alkalde siya sa loob ng siyam na taon.
Ibig daw bang sabihin ni Mayor Eric ay hindi niya alam na ang pinalitan niya bilang alkalde ng lunsod ay isa ring Olivarez na nag-aalaga ng “ghost employees’ sa city hall? Hindi rin daw ba alam ng alkalde na kaya siya nanalo sa halalan noong eleksyon ay dahil sa kanyang kuya na pinakikisamahan ng halos lahat ng opisyales ng barangay sa kanilang lungsod.
Kung meron kayong mga katanungan mag email lang sa [email protected] at makinig sa aking programang Todo Nationwide Talakayan 7:00 to 9:00AM every Sunday sa DWIZ 882kHz AM Band. Pwede rin kayong mag text sa 0995-132-9163.