MANILA, Philippines- Sinita ni Ombudsman Samuel Martires ang complainants na iginigiit ang pagsasampa ng kaso laban sa mga indibdiwal sa “red-tagging”, sa kabila ng kawalan ng batas na nagbabawal dito.
Binigyang-diin ni Martires, sa 2024 budget hearing ng Office of the Ombudsman sa House Committee on Appropriations nitong Lunes na hindi ipinagbabawal ang red-tagging sa Pilipinas.
Tinanong si Martires ni Makabayan bloc member, Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ukol sa estado ng mga kasong isinampa laban kina dating government anti-insurgency task force officials Lorraine Badoy, Antonio Parlade Jr., at Hermogenes Esperon.
“If the honorable congressman is referring to those cases against Parlade, Badoy, et al and Esperon with respect to the red-tagging those cases were already dismissed sa kadahilanan po na wala naman pong batas na nagbabawal sa red-tagging,” anang Ombudsman.
“In the absence of a law,” sabi ni Martires, “We cannot arrogate to ourselves by saying na nag-violate ka ng red-tagging.”
Kinilala naman ni Manuel ang kawalan ng batas laban sa red-tagging. “Kaya ang nai-cite natin ay yung ibang mga batas na actually ay pwedeng maging basis para mapanagot ang mga indibidwal na ito.”
Subalit, para kay Martires, “palusot” lamang umano ito.
“Sa puntos na dahil nga walang red-tagging pa-file-an mo ng violation ng Anti-graft and Corrupt Practices Act eh para lang po yung nagpalusot tayo eh, di ba? Ito yung tinatawag naming palusot eh,” ani Martires.
Mayroong anim na administrative at daalwang criminal complaints na inihain laban sa tatlong opisyal.
Ang “red-tagging” ay pag-uugnay sa isang indibdiwal o grupo sa communist movement.
Inihayag ng Ombudsman na ang mga ganitong uri ng kaso ay katulad ng mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. “Ang puno’t dulo po ay drugs so wala po kaming jurisdiction.”
“Pero kung papalusutan kami na red-tagging ang rason pero sasabihin nag-violation ka ng Section 3-E (Anti-Graft law) undue injury to the government or the individual eh anong cause ng undue injury na yon? Eh kung red-tagging eh di wala pong na violate na batas,” giit ni Martires.
Ayon naman kay Manuel, ang red-tagging ay seryosong usapin at may mga indibdiwal an namatay dahil dito.
“The damage has been done. The government should not tolerate this and enable red tagging. We should be proactive in this matter and serve justice,” anang mambabatas. RNT/SA