MANILA, Philippines- Inaasahan ng Commission on Elections na maaamyendahan ang Omnibus Election Code habang naghahanda para sa 2025 elections upang mas mapadali ang mga botohan.
Magkakaroon ng dalawang halalan sa 2025—ang midterm elections sa Mayo at BSKE.
Ngunit ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang Batas Pambansa Bilang 881 o ang Omnibus Elections Code, isang batas noong 1985 ay may mga probisyon na maaring malabo o hindi na naaayon sa panahon ngayon.
Aniya, napakahirap sa bahagi ng komisyon kapag ang ipinapatupad ay isang matanda nang batas.
Inihalimbawa ni Garcia ang kahulugan ng kandidato na sinasabi ng Seksyon 79 na ang terminong “kandidato” ay tumutukoy sa sinumang taong naghahangad o naghahanap ng elective public office na naghain ng certificate of candidacy nang mag-isa o sa pamamagitan ng isang kinikilalang partidong pampulitika, aggroupment o coalition parties.
Para kay Garcia, dapat ay tukuyin kung kailan nagiging kandidato ang isang tao.
Sa katatapos na BSKE, isnaalang-alang ng Comelec ang mga aspirante bilang mga kandidato sa paghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC) at sa ngayon, ipinagbabawal na mangampanya sa labas ng campaign period gaya ng nakasaad sa Section 80 ng Omnibus Election Code.
Nais di ng komisyon na bigyan ng mas maraming ngipin ang batas sa paghabol sa mga lumalabag.
Sa isyu ng vote buying, iminungkahi ni Garcia na makulong ng 10 taon mula sa kasalukuyan na isa hanggang anim na taon ang sinumang mapatutunayang nagkasala rito.
Inaasahan din ni Garcia ang pagpapaubaya sa technicalities upang makakuha ng conviction.
Para sa Comelec, ang kandidatura ng nuisance ay dapat ding gawing kriminal para hindi na muling tumakbo ang mga taong gustong makagambala sa eleksyon.
Tungkol sa mainit na paksa ng paggastos sa halalan, naniniwlaa si Garcia na panahon na para taasan ang halagang maaring gastusin ng mga kandidato.
Para sa mga political party at kandidatong walang political party, limang piso kada botante ang limitasyon.
Itinutulak din ng Comelec ang paglikha ng mga regulasyon sa social media dahil ang mga kandidato ay gumagamit ng mga online platform sa kanilang mga kampanya.
Batid ni Garcia na isang mahirap na gawain ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code, ngunit umaasa siyang matutulungan sila ng Kongreso. Jocelyn Tabangcura-Domenden