Home HOME BANNER STORY Online bentahan ng ismagel na sibuyas pinabubusisi sa Kamara

Online bentahan ng ismagel na sibuyas pinabubusisi sa Kamara

MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon si Agri party-list Representative Wilbert Lee para imbestigahan ang umano’y bentahan ng ismagel na sibuyas at iba pang agricultural products sa online platforms.

Batay sa kanyang House Resolution No. 1600, sinabi ni Lee na may mga ulat na nagiging patok ang bentahan ng smuggled na sibuyas online, kung saan ang iba ay ibinibenta ng P25 kada kilo sa Facebook.

Sa daily price monitoring ng Department of Agriculture (DA), nagkakahalaga ng P60/kg hanggang P130/kg ang lokal na pulang sibuyas habang ang imported ay ibinibenta ng P90/kg hanggang P100/kg.

Samantala, ang lokal na puting sibuyas ay nagkakahalaga ng P50/kg hanggang P120/kg, at ang imported white onions ay mula P90/kg hanggang P120/kg.

Ani Lee, banta sa mga consumer ang smuggled agricultural products dahil hindi ito sumailalim sa phytosanitary analysis upang matukoy kung ito ba ay ligtas kainin.

“Filipino consumers are also at risk from food product smuggling, as uncontrolled importation is most likely to blame for plant and animal diseases like African swine fever (ASF) and Cocolisap (coconut scale bug), that have plagued the country and the livelihood of many Filipinos,” saad sa resolusyon.

Nagbabala rin ang mambabatas na nagpapatuloy ang bentahan ng smuggled agricultural products at nakaaapekto sa mga Filipino maging sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Inatasan ni Lee ang nararapat na komite sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon para rito.

Nauna nang nagsabi ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang farmgate prices ng pulang sibuysa ay posibleng bumagsak ng P10 hanggang P15 kung hindi mababantayan ang smuggling sa bansa.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, mayroong kapansin-pansin na pagtaas sa produksyon ng sibuyas matapos na magkaroon ng interes ang mas maraming magsasaka na magtanim dahil sa mataas na presyo nito. RNT/JGC

Previous articleMga kanseladong flight ngayong Lunes, Peb. 26
Next articleOil spill sa MT Princess Empress nagdulot ng P40B environmental damage – grupo