MANILA, Philippines – INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) na ang mga dayuhang menor de edad na bumibiyahe sa Pilipinas na hindi kasama ng kanilang mga magulang ay maaari nang magbayad ng kanilang mga bayarin sa pamamagitan ng online.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang aplikasyon at pagbabayad para sa waiver of exclusion ground (WEG) para sa mga dayuhang menor de edad ay maaari nang ma-access sa online payment portal ng BI.
“This project is part of our continuing efforts to institutionalize paperless transactions in the bureau, reduce red tape, and deliver more efficient and faster services to the public,” ani Tansingco.
Sa ilalim ng Seksyon 29(a)(12) ng Philippine immigration act, ang mga batang wala pang 15 taong gulang na walang kasamang magulang o hindi pumupunta sa magulang sa Pilipinas, ay maaaring hindi makapasok sa Pilipinas.
Ayon sa BI, ang mga naturang menor de edad ay maaari lamang payagang makapasok, kahit na walang kasama, kung sila ay mabigyan ng WEG ng BI at makapagbayad ng P3,120 sa gobyerno.
Ayon sa BI operations circular na nilagdaan ni Tansingco noong Mayo 25, ang mga aplikante ay dapat mag-file ng kanilang WEG application sa loob ng 72 oras mula sa nakatakdang pagdating ng menor de edad sa pamamagitan ng pag-log in sa online portal ng BI sa e-services.immigration.gov.ph.
Dapat umanong mag-fill up ng WEG application e-form at mag-upload ng malinaw na digital o scanned na mga kopya ng mga kinakailangan na dokumento, tulad ng affidavit of support and guarantee, impormasyon sa pasaporte ng magulang at menor de edad, pahintulot sa paglalakbay, ticket sa pagbabalik, at valid na entry visa, kung naaangkop.
Ang mga itinakdang bayarin ay dapat bayaran online gamit ang debit o credit card pagkatapos ay ibibigay ang mga electronic na resibo sa pamamagitan ng nakarehistrong e-mail address ng aplikante.
Ang BI ay magpoproseso at magsusuri ng aplikasyon at maglalabas ng pag-apruba nito sa pamamagitan ng nasabing email address sa loob ng 24 na oras mula sa pagtanggap ng aplikasyon.
Ang mga aplikasyon na may hindi kumpletong mga kinakailangan sa dokumento o ang mga naiwang hindi nabayaran sa loob ng 72 oras ay awtomatikong tatanggalin mula sa system, batgay na din sa nakasaad sa circular. JAY Reyes