Online portal ng listahan ng kuwalipikadong benepisyaryo ng SAP, hirit ni Go para iwas-korapsyon

Online portal ng listahan ng kuwalipikadong benepisyaryo ng SAP, hirit ni Go para iwas-korapsyon

May 21, 2020 @ 6:27 PM 7 days ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Matapos lumutang ang balita na may ilang benepisyaryo ang nakatanggap ng COVID-19 emergency financial assistance ng maraming beses, hiningi ni Senador Bong Go sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga hakbang na ipinatutupad nito para tugunan ang usapin.

Nagbibigay ang pamahalaan ng iba’t ibang cash assistance sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development’s Social Amelioration Program; Small Business Wage Subsidy program para sa mga empleyado ng micro, small and medium enterprises ng Department of Finance sa pamamagitan ng Social Security System; o COVID-19 Adjustment Measures Program ng Department of Labor and Employment (DoLE).

Sa Senate hearing ng committee of the whole with the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, tinanong ni Go kung ano ang mga hakbang na ginawa ng DSWD para maiwasan na ang distribusyon ng ayuda ay mapunta sa kaparehong beneficiary nang maraming ulit.

“Ano po ang mga ginagawang hakbang ng DSWD at iba pang ahensya para hindi na maulit itong duplikasyon? … (I)mportante mapunta talaga sa mahirap, poorest of the poor, mga nangangailangan,” ayon kay Go.

Nabanggit ni Go ang posibilidad na may ilang indibidwal ang nakatanggap ng ayuda nang maraming beses, gayong ang resibo ng ayuda ay nasa ilalim ng isang programa at mahaharang ang pagtanggap nang mas maraming ulit mula sa ibang programa.

Kaya ang panukala ni Go ay lumikha ng online portal na naglalaman ng listahan ng ‘eligible household beneficiaries’ ng iba’t ibang government assistance para sa layunin ng transparency.

“Para na rin po malaman kung sino ba talaga ang mga qualified at para maiwasan na magkadoble-doble po ang nare-receive na subsidy,” ayon kay Go.

Bilang tugon sa naging pahayag ni Go, sinabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mayroong data-sharing agreement sa pagitan ng DSWD, Department of Trade and Industry, Office of the Executive Secretary at DOLE upang maiwasan ang duplikasyon.

Ang suhestiyon naman ni Senate President Vicente Sotto III,  ilagay sa website ‘for greater transparency’ ang mga pangalan ng benepisyaryo.

“Every time we pay somebody, agad-binibigyan ang DSWD ng listahan para hindi na mabigyan ulit,” ayon kay Sec. Bello.

Sa kabilang dako, pinuri naman ni Go ang mga nasabing departmento sa pagsisikap ng mga ito subalit hiniling niya sa mga ito na tiyakin na ang ‘duplication of assistance’ ay hindi na mauulit.

Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ng bansa na maipatupad ang Philippine Identification System na malaki ang maitutulong sa pagsisikap ng pamahalaan na mamahagi ng ayuda sa lahat ng intended beneficiaries sa panahong katulad nito.

“Sa tingin ko, panahon na po para sa National ID system. Dahil hirap po tayo ngayon, ang daming dumodoble, ang daming hindi nakatatanggap (ng ayuda).”ani Go.

Samantala, pinuri naman ni Go ang mga indibidwal na nagsauli ng COVID-19 emergency financial aid na kanilang natanggap mula sa ibang programa.

Ani Go, ang katapatan at kabaitan ay buhay at nananaig sa gitna ng pandemic.

“Kino-commend ko po ang mga Filipino na very honest na binabalik nila ang natatanggap nilang doble,” ayon kay Go.

Ani Go, ang mga programang ito ay nilikha para tulungan ang mga identified worker mula sa tinukoy na sektor na labis na apektado ng pandemic — mula sa poorest of the poor, vulnerable groups, displaced workers at empleyado ng micro, small and medium enterprises.

“For every honest Filipino, another Filipino family which needs help is saved. Kaya kung nakatanggap po kayo ng dobleng ayuda, pakiusap ko lang po na ibalik ninyo ang sobra o nadoble. Honesty will go a long way. The more we help each other, the faster we will overcome this crisis caused by COVID-19” ani Go sa kanyang nakaraang kalatas.

Samantala, hinikayat din ni Go ang mga ahensya na kuwentahin ang bawat piso na naipamamahagi at nagagastos.

Ang kasukdul-sukdulan na transparency ay mahalaga lalo na ngayon na prayoridad ng pamahalaan ang pamamahagi ng iba’t ibang anyo ng ayuda sa mga apektadong Filipino.

“Sa panahon ngayon, tanging konsensya talaga ang gabay ng lahat para walang masayang sa kaban ng bayan. Gawin po natin ang tama at siguraduhing matulungan lahat ng nangangailangan. In this time of crisis, every peso must be accounted for,” pahayag ni Go. Kris Jose

Share

Leave a Reply

Loading...