Home NATIONWIDE ‘Online seller’ ng malalaswang content ng mga menor kakasuhan ng DOJ

‘Online seller’ ng malalaswang content ng mga menor kakasuhan ng DOJ

MANILA, Philippines- Inirekomenda ng Department of Justice ang paghahain ng kaso laban sa isang residente ng Zaragoza, Nueva Ecija dahil sa umano’y pagbebenta ng sexual abuse at exploitation materials sa online buyers.

Ayon sa DOJ resolution na may petsang Mayo 7, 2024, isang nagngangalang Bench Ortillano Lee ang lumabag sa Republic Act No. 11930 o ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Nag-ugat ang kaso sa impormasyong natanggap ng National Bureau of Investigation hinggil sa pagbebenta ni Lee ng explicit videos at mga larawan ng mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng online platform na Telegram. 

Sa pamamagitan ng isang undercover agent, nakipag-ugnayan ang NBI kay Lee, na humingi P499 kapalit ng “lifetime access” sa kanyang account na naglalaman ng mahigit 200 “uncensored content.”

Nag-isyu ng warrant ang Manila Regional Trial Court Branch 4 at matapos ang operasyon, nasamsam ang mobile phones mula kay Lee.

“The undersigned finds that the arrest of herein respondent was validly effected by the NBI operatives in accordance with the Revised Rule on Criminal Procedure,” pahayag ni Assistant State Prosecutor Annes Farida Bagaforo-Arellano II sa resolusyon.

Sinabi pa ng DOJ na mayroon si Lee na mga video ng pakikipagtalik sa isang Grade 9 student maging iba pang indibidwal sa kanyang cellphone na may label na “Bagets” at “Bata.”

Binanggit ng DOJ na tumanggi si Lee sa kanyang karapatan sa preliminary investigation dahilan upang agad isumite ang case for resolution.

Binigyang-diin naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang commitment ng pamahalaan na protektahan ang mga kabataan mula sa online exploitation. 

“This sends a clear message to perpetrators that justice will prevail, and the law will be enforced to its fullest extent,” giit ni Remulla. RNT/SA