Home METRO Online seller ng wildlife species, arestado sa Valenzuela

Online seller ng wildlife species, arestado sa Valenzuela

ARESTADO ang isang umano’y online seller ng wildlife species matapos bentahan ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang police operation ng mga tauhan ng Maritime Police sa Valenzuela City.

Kinilala ni P/Major Robert Alvin Gutierrez, hepe ng Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) ang naarestong suspek na si Ronnel Agapito, 29 ng Capitis Compound, Brgy. Viente Reales.

Ani Major Gutierrez, kasama ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay ikinasa nila ang joint operation kontra sa suspek sa #08 A Saint Peter Ave Brgy. Veinte Reales matapos ang natanggap nilang impormasyon na nagbebenta umano ito ng wildlife species.

Nagawa ni PCpl Joey Velarde na nagsilbi bilang poseur buyer na makipagtransaksyon sa pamamagitan ng messenger kay Agapito na gumagamit ng messenger account na “Otipaga lennor” ng dalawang ibon na “Green Cheek Conure” sa halagang P13,000.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng naturang dalawang ibon ay agad lumapit ang team saka nagpakilalang mga pulis at nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento na nagpapakita ng permit para sa pagbebenta niya ng wildlife species ay wala siyang maipakita kaya inaresto sya ng mga pulis dakong alas-12:28 ng hapon.

Ayon kina PCMS Richard Denopol at Pat Rinces Joy Pascua, nakumpiska sa suspek ang dalawang “Green Cheek Conure”, 13-pirasong P1,000 boodle money at isang cellphone.(R.A Marquez)

Previous articleBigtime tulak arestado sa P1M droga, armas
Next articleTaas-singil sa NLEX kasado sa Hunyo 15